top of page

Kahulugan ng kasama ang barkada at nag-target shooting

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 13, 2023
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | April 13, 2023



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jeoffrey ng Nueva Ecija.


Dear Maestra,


Gustung-gusto kong basahin ang kolum n’yo dahil naliliwanagan ako sa kahulugan ng panaginip ko. Madalas ay magkapareho kami ng sumangguni sa inyo, kaya naisip ko na ako na mismo ang sumangguni para mas malinaw kong malaman ang kahulugan ng aking panaginip.


Madalas kong mapanaginipan na kasama ko ang mga kaibigan ko, tapos pumunta kami sa sports center, at mayroong target shooting ru’n. Nu'ng una ay nanonood lang kami, pero bandang huli ay ako na mismo ang naglaro.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Jeoffrey



Sa iyo, Jeoffrey,


Una sa lahat, maraming salamat sa pagsubaybay mo sa aking kolum. Nakakataba ng puso ang mga sinabi mo.


Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay depende sa sitwasyon. Kung nasapul mo ang target, 'yan ay nangangahulugan na magtatagumpay ka sa iyong minimithi sa buhay. Sa kabilang dako, kung hindi mo tinamaan ang target, ibig sabihin ay mahihirapan kang marating ang tagumpay.


Gayundin, dadaan ka muna sa maraming sagabal at mga pagsubok na siyang magiging dahilan upang hindi mo makamit ang iyong mga pangarap.


Samantala, ang naisipan mong maglaro ay nagpapahiwatig na interesado ka sa marami sa mga kaibigan mo at gustung-gusto mong makasama sa mga dadaluhan mong sports event. Nagiging inspirasyon mo sila upang lalong sumigla ang iyong buhay at pansamantalang makalimutan ang mga problemang kinakaharap mo araw-araw.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page