Kahulugan ng kabute at paruparo
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | April 3, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Eliza ng Bataan.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko pumunta kami ng nanay ko sa taniman namin ng gulay sa likod bahay. May tumubo na kabute sa tabi ng mga gulay na tanim namin, tapos maya-maya, may dumating na mga paruparo at inikutan kami.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Eliza
Sa iyo, Eliza,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na pumunta kayo ng nanay mo sa taniman n’yo ng mga gulay sa likod bahay ay may mga biyaya at pagpapala na darating sa buhay n’yo nang hindi inaasahan. Liligaya na kayo at sasagana sa darating na mga araw. Gayundin, hindi na kayo maghihirap pa kailanman.
Ang kabute na tumubo sa tabi ng mga gulay ay nagpapahiwatig na tuluy-tuloy na ang pagyaman n’yo at wala nang makakahadlang pa. Sasagana na ang pamumuhay n’yo.
Samantala, ang may paruparong dumating at inikutan kayo ay halos pareho ang ibig sabihin dahil ito ay nangangahulugan ng kaligayahan, kaunlaran at masaganang pamumuhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments