Kahulugan ng itim at puting kabayo
- BULGAR
- Nov 17, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | November 17, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jerry ng Aklan.
Dear Maestra,
Noon pa sana ako sasangguni sa inyo tungkol sa aking panaginip, pero bigla akong nagka-COVID-19. Sa awa ng Diyos, magaling na ako ngayon at ang tanging libangan ko ay magbasa ng BULGAR at ang unang-unang binabasa ko ay ang kahulugan ng mga panaginip na ipinadadala sa inyo. Gusto ko ring magpaanalisa ng panaginip ko.
Napanaginipan kong may nakita akong puting kabayo, tapos sa ‘di kalayuan ay itim na kabayo naman ang aking natanaw. Sumakay ako sa puting kabayo, pero bigla itong umalma at nahulog ako. Maestra, ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Jerry
Sa iyo, Jerry,
Maganda ang ipinahihiwatig ng puting kabayo dahil ito ay nangangahulugan na malapit ka nang ikasal sa tinatangi mo. Gayunman, ang sabi mo ay nahulog ka sa kabayo. Ang ibig sabihin naman nito ay marami kang maririnig na tsismis at mga panghuhusga ng kapwa tungkol sa nalalapit mong pagpapakasal, ngunit huwag mo na lang itong pansinin. Sa halip, hayaan mong mamatay sila sa inggit. Ganyan ang mga hindi tapat na kaibigan, inggitera at hindi masaya kapag mas maganda ang kapalaran ng iba kaysa sa kanila.
‘Yung itim na kabayo sa panaginip mo ay nangangahulugan na kung papatulan mo ang hindi magagandang naririnig mo laban sa iyo, gulo ang ibubunga nito. Mag-ingat ka palagi, gamitin mo ang iyong isip at maging mahinahon ka sa lahat ng sandali.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna



Comments