Kahulugan ng iba’t ibang hayop sa bukid
- BULGAR
- Dec 24, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | December 24, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jonathan ng Olongapo, Zambales.
Dear Maestra,
Isa ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong kolum. Madalas akong managinip at gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.
Napanaginipan ko na pumunta ako sa bukid namin, tapos nagulat ako dahil maraming iba’t ibang uri ng mga hayop, ngunit ang tumawag ng pansin ko ay ang malaking unggoy na nakaupo sa dayami dahil ang laki niya at parang tao kung kumilos. Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
Jonathan
Sa iyo, Jonathan,
Ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo na nakakita ka ng iba’t ibang uri ng hayop sa bukid n’yo ay mapupuspos ng kahirapan at pagsusumikap ang buhay mo sa mga darating na araw. Kailangan mong magtrabaho nang husto upang umasenso. Subalit huwag kang mag-alala, sa dakong huli ay makakamit mo rin ang pagpapala at kasaganaan, kaya huwag kang susuko. Ang buhay ay sadyang ganyan, kung may tiyaga, may nilaga, ‘ika nga.
Samantala, ‘yun namang malaking unggoy na parang tao kumilos ay nangangahulugang ihanda mo ang iyong sarili sa hindi inaasahang kabiguan sa buhay. Mag-isip-isip ka, magmuni-muni,
pag-aralan ang kaliwa’t kanan ng mga gawain mo sa buhay. Pag-isipan mong mabuti kung saan ka nagkamali sa mga nagdaang transaksiyong pinasukan mo.
Alamin mo rin kung may dapat kang gawin upang ituwid at magawan pa ng lunas ang nagawa mong kamalian bago mahuli ang lahat. Talasan mo ang iyong pakiramdam at maging alerto ka sa lahat ng oras.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments