top of page

Kahulugan ng hinabol ng buwaya at sinaklolohan ng guardian angel

  • BULGAR
  • Sep 30, 2021
  • 1 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 30, 2021


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni David ng Mindoro.


Dear Maestra,


Kumusta kayo? Nawa ay nasa mabuti kayong kalagayan. Nakatira ako malapit sa ilog dito sa probinsiya namin. Madalas akong managinip na naliligo ako sa ilog, tapos may lumitaw na buwaya at hinabol ako. Tinawag ko ang guardian angel ko para iligtas ako, tapos lumitaw siya at natakot ang buwaya, kaya agad itong lumayo at hindi ko na nakita. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

David



Sa iyo, David,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na hinabol ka ng buwaya ay may lihim kang kaaway. Mapanganib siya at handang pumatay, gayundin, pagtatangkaan niya ang buhay mo kaya dapat kang maging alerto at mag-ingat sa lahat ng sandali.


‘Yun namang tinawag mo ang iyong guardian angel para humingi ng saklolo at bigla itong lumitaw, ‘yan ay nagpapahiwatig na ililigtas ka niya sa lahat ng panganib at kapahamakan. Kaya huwag kang mag-alala, maliligtas ka sa masamang balak ng kaaway mo at hindi siya magtatagumpay. Tayong lahat ay may kani-kanyang anghel dela guardia. Mabuti naman at naniniwala ka rito. Handa silang iligtas tayo sa anumang panganib gaya ng ipinahihiwatig ng iyong panaginip.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page