Kahulugan ng edad na 23 at 24
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | December 11, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Romeo ng Subic, Zambales.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na may nakilala akong magandang babae at 23-anyos na siya, habang ang edad ko naman ay 24. May natanaw kaming puno ng mangga, tapos pinuntahan namin at nag-usap kami nang matagal sa ilalim ng puno. Malago ang mga dahon ng puno, berdeng-berde at hitik sa bunga. Ang sarap ng pakiramdam namin habang nag-uusap at halos ayaw na naming umuwi.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Romeo
Sa iyo, Romeo,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may nakilala kang magandang babae ay magiging maligaya ka sa susunod na mga araw. Ang puno ng mangga na may berdeng dahon at hitik sa bunga ay nagpapahiwatig naman ng mabuting kalusugan at kasaganaan sa buhay.
Samantala, ang 23-anyos siya ay nangangahulugan ng pangingibang-bansa.
Magtatrabaho siya sa abroad. Ang edad mo namang 24 ay nagpapahiwatig na malakas ang sex appeal mo, kung saan maraming na-a-attract sa iyo, babae man o lalaki. Ito rin ay nangangahulugan na galante at gastador ka, kaya kahit mahal ang isang bagay, ‘pag nagustuhan mo, siguradong bibilhin mo ito. Sa tulong ng mga kaibigan mong nasa mataas na posisyon sa lipunan, makakamit mo ang tagumpay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments