Kahulugan ng Destiny No. 2 at dapat gawin para umunlad kahit weak number
- BULGAR
- Nov 4, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 4, 2022
Dear Maestro,
Matagal n’yo na akong tagasubaybay at naisipan kong sumangguni sa inyo dahil gusto ko ring malaman ang magiging kapalaran ko. August 29, 1990 ang birthday ko, at sa pagkakaalam ko ay 2 ng destiny number ko.
Tama ba na 2 ang destiny number ko at ano ang kahulugan ng numero kong ito?
Umaasa,
Raquel ng Santa Ines, Bacolor, Pampanga
Dear Raquel,
Upang malaman ang destiny number, simpleng pagsama-samahin ang birth month, birth date at birth year. Sa kaso mo, Raquel, ang August 29, 1990 na birthday mo ay ganito kinokompyut: 8+29+1990=2027/ 20+27=47/ 4+7=11/ 1+1=2. Ibig sabihin, bukod sa ikaw ay may birth date na 2 (dahil ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2), ikaw din ay may destiny number na 2. Sa madaling salita, ang numerong 2 na nangingibabaw sa iyong katauhan at kapalaran ay may kategoryang weak number.
Ang ibig sabihin ng “weak number”, ikaw ay may weak personality at para lumigaya at magtagumpay ka sa buhay, kailangang palagi kang makisama sa matitino o mabubuting tao na may strong number, tulad nilang may mga birth date o destiny number na 1, 10, 19, 28, 8, 17, 26, 9, 18, at 27.
Bukod sa nasabing mga birth date, kailangan mo ring makasama o maging kaibigan ang mga Taong Singko (5), dahil ang zodiac sign mong Virgo ay may kaakibat na planetang Mercury, na nagtataglay naman ng numerong 5, tulad nilang mga isinilang o may destiny number na 5, 14 at 23.
At dahil 2 ang birth date at destiny number mo, ang iyong magiging kapalaran ay depende o sigon sa impluwensya ng mga taong makakasama mo. Kaya tulad ng sinasabi natin sa itaas, dapat palagi kang makisama sa mabubuti o matitinong tao na may strong number upang tumino, bumuti, umunlad, magtagumpay at gumanda rin ang kapalaran mo.
Sa totoo lang, wala kang sariling kapalaran dahil maihahalintulad ka sa isang dahon na nahulog sa umaagos na batis — tangay-tangay ka lang ng alon at kung saan-saan dinadala. Kaya kapag nasakay ka sa mabuti at mabiyayang alon, magiging mabuti at mabiyaya rin ang iyong kapalaran.
Ang tinutukoy nating “alon” ay ang mga kaibigan, kamag-anak, mga taong malapit at umiimpluwensya sa iyo o ‘yung mga sinusunod mo nang hindi mo namamalayan, kung saan sa kanila nakadepende o nakasangga ang iyong kapalaran.
Halimbawa, kapag nagkaroon ka ng mga kadikit, kaibigan o mayroon kang mga best friend na mayaman, sa bandang huli, walang duda na magkakaroon ka rin ng maraming biyaya at yayaman ka.
Sa madaling salita, napakasimple lang ng kapalaran mo — kung sino ang mga taong malapit sa iyo o mga kasama mo, tulad nila, ganundin ang magiging kapalaran mo.
Kaya kung pangit ang mga kasama mo, kusa ring papangit ang iyong kapalaran. Habang kung maganda naman ang mga kasama mo, awtomatikong gaganda ang kapalaran mo.
Ayon sa Decadens ng Kapalaran, kung susundin mo ang mga simpleng rekomendasyon na nabanggit sa itaas, magsisimulang umangat nang husto ang graph ng pag-unlad sa aspetong pananalapi at pangkabuhayan, hanggang sa tuloy-tuloy ka na ring yumaman at lumigaya habambuhay, na magsisimulang mangyari sa taong 2024 at sa edad mong 34 pataas.




Comments