Kahulugan ng binaril ang kalaban sa giyera at nagrosaryo
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 30, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Marygrace ng Samar.
Dear Maestra,
Palagi akong bumibili ng BULGAR para lamang basahin ang isinusulat ninyo tungkol sa panaginip dahil sawang-sawa na ako sa kababasa ng mga balita, puro kalungkutan lang effect sa buhay ko at lalo akong nai-stress. Gusto kong ipaanalisa sa inyo ang panaginip ko kahapon. Napanaginipan kong na-trap ako sa giyera at may dala akong baril for protection at ginamit ko ito. Pinaputukan ko ang kalaban at natakot naman siya dahil umatras ang kalaban ko. Natuwa ako at hindi nakaramdam ng takot dahil may suot akong rosary sa leeg. Walang tigil ang pagdarasal ko ng rosary para tumigil ang putukan at matapos na ang giyera, tapos hinawakan ko ‘yung rosary pero bigla itong napatid. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Marygrace
Sa iyo, Marygrace,
Maraming salamat sa pagsubaybay mo sa aking kolum.
Ang panaginip mong na-trap ka sa giyera ay nagpapahiwatig na dapat kang mag-ingat sa mga darating na araw dahil may nagbabantang gulo sa buhay mo at madadamay ka sa kaguluhan na ang nasasangkot ay mga mahal mo sa buhay. Pero dahil natalo mo ang kalaban at ayon sa panaginip mo ay umatras ito, maganda ang ipinahihiwatig niyan. Ibig sabihin, malulusutan mo ang gulo at maliligtas ka sa hindi magandang idudulot nito sa iyo.
Samantala, ang walang tigil na pagdarasal mo ng rosaryo at bigla itong napatid, nagbibigay-babala ‘yan na may posibilidad na magkahiwalay kayo ng asawa o karelasyon mo ngayon. Nagpapahiwatig din ito na daranas ka ng maraming paghihirap sa iyong trabaho o anumang pinagkakaabalahan mo sa buhay. Gayunman, huwag kang mag-alala dahil malalagpasan mo ang mga pagsubok, gaanuman ito kabigat. ‘Yan naman ang gustong ipahiwatig ng pagdarasal mo ng rosaryo nang buong pananalig na ililigtas ka nito sa kapahamakan.
Hanggang dito na lang. Ipagpatuloy mo ang pagdarasal ng rosaryo, lalo na ngayong panahon ng pandemya. ‘Yan ang pinakamabisang sandata laban sa negatibong puwersa ng kalikasan kasama na ang mga kalamidad gaya ng lindol, bagyo, volcanic eruption at iba pa. Mag-ingat ka palagi at stay blessed.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments