Kahulugan ng baka na kulay silver at gold
- BULGAR
- Mar 30, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 31, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Julius ng Baler, Quezon.
Dear Maestra,
Dahil sa hirap ng buhay ngayong panahon ng pandemya, naisip kong magnegosyo ng mga halaman. Okay naman ito at nag-e-enjoy ako sa tuwing pinagmamasdan ko ang paglago ng halaman ko kasabay na rin ang paglago ng aking kita.
Napanaginipan ko na may malaking baka na nakapasok sa halamanan ko at kinakain niya ang mga paninda ko. Namangha ako dahil kakaiba ang hitsura ng nasabing baka. Kulay ginto ang katawan at silver naman sa tagiliran. Nasa 6th floor ng bahay ang mga halaman ko at umakyat ako. Nakasalubong ko sa hagdan ang baka, subalit ito ay biglang naglaho.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Julius
Sa iyo, Julius,
Gold cow with silver, sadyang kakaiba at kamangha-mangha ang panaginip mo.
Ito ay nangangahulugan na marami kang naiisip na pagkakakitaan na kapaki-pakinabang at magdudulot ng kasiyahan sa mga tao. Ang sabi mo, nakita mong kinakain ng baka ang iyong mga halaman, at ito ay nagpapahiwatig na may binabalak na hindi maganda ang mga kaaway o kakumpitensiya mo sa negosyo.
Nangangahulugan din na dapat kang mag-ingat sa binabalak mong dagdag na pagkakakitaan, kumbaga, huwag sugod nang sugod. Alamin mo muna ang kaliwa at kanan ng negosyong iyong papasukan sa dahilang may posibilidad na hindi ka magtagumpay. Ang kulay na silver sa tagiliran ng katawan ng baka sa panaginip mo ay nagpapahiwatig ng pagdarahop sa buhay, habang ang gold naman ay kasaganaan.
Samakatuwid, maliwanag na ipinaaalala ng panaginip mo na lalago at sasagana ang negosyo mo sa umpisa, subalit sa sobrang tiwala mo sa iyong sarili at sa maling pagpili ng katransaksiyon, posibleng mabangkarote ka at biglang maglaho ang lahat ng iyong nasimulan. Ganyan ang ipinahihiwatig ng baka na nakasalubong mo sa hagdan, pero bigla na lang naglaho. Gamitin mo ang iyong talino at pag-aralang mabuti ang ikinikilos ng mga kaibigang pinagkakatiwalaan na sa bandang huli pala ay iyong kaagaw sa negosyong papasukan.
Sa ganitong paraan, mapapansin mo na kusang maglalaho ang mga kaaway mo. Kusa silang lalayo at mag-iisip na lang ng ibang pagkakakitaan.
Nawa’y nabigyan ko ng linaw ang kakaibang panaginip na ipinadala mo sa akin.
Sumaiyo ang pagpapala ng Dakilang Lumikha.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna



Comments