Kahulugan ng bago, punit at maruming damit
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | November 1, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joyjoy ng Zambales.
Dear Maestra,
Isa akong labandera, biyuda at may dalawang anak. Sa awa ng Diyos, nairaraos ko naman ang pangangailangan naming mag-iina.
Napanaginipan ko noong isang araw na ang ganda-ganda ng suot kong damit at bagong bili ito. Pero kagabi, napanaginipan ko naman na ang dumi-dumi ng suot kong damit at punit-punit pa ito. Tapos hinubad ko ‘yung damit upang labhan at tinahi ko ‘yung mga punit nito.
Ano ang ibig ipahiwatig ng mga panaginip ko?
Naghihintay,
Joyjoy
Sa iyo, Joyjoy,
Isa-isahin natin ang panaginip mo. Ang panaginip na may suot kang bagong damit at ang ganda-ganda nito, kabaligtaran ang ipinahihiwatig niyan dahil daranas ka pa ng mga paghihirap sa buhay kung saan marami pang sakripisyo ang titiisin mo.
‘Yun namang punit-punit at marumi ang suot mo, kabaligtaran din ang ibig sabihin.
Nagpapahiwatig ito na darating ang panahon na makakaahon ka sa kahirapan at makararanas ng kaginhawahan at kasaganaan sa buhay.
Samantala, ang sabi mo ay tinahi mo ang punit na damit, ito naman ay nangangahulugan na madaragdagan pa ang iyong anak. Maaari ka pang makatagpo ng mamahalin at magiging partner sa buhay, mabubuntis ka agad at magkaanak sa magiging asawa mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments