Kahulugan ng ayaw lumabas ng sinehan at inulit-ulit ang palabas
- BULGAR
- Jul 25, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 25, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Teresita ng Pampanga.
Dear Maestra,
Ikinagagalak kong ibalita sa inyo na nagkatotoo ‘yung kahulugan ng panaginip ko na ipinadala sa inyo noong isang Linggo. Kaya naman heto ako at muling sumasangguni sa inyo tungkol sa panaginip ko kagabi.
May plano na kami ng boyfriend ko na magpakasal dahil matagal na rin ang relasyon namin at excited na ako sa balak naming pagpapakasal.
Napanaginipan ko na pumasok ako sa isang sinehan para panoorin ang paborito kong artista na siyang bida sa palabas. Punumpuno na ang sinehan sa dami ng manonood. Buti na lang, may isa pang bakanteng upuan sa hulihan, pero napakalayo sa screen at hindi ko masyadong makita nang malinaw ang mga artistang gumaganap. Kinuha ko ‘yung telescope sa aking bag para mapanood ko nang malinaw ang palabas. Nasiyahan naman ako sa panonood at halos ayaw ko nang umuwi dahil gusto kong ulit-ulitin ang palabas at ganu’n nga ang nangyari. Dalawang beses kong pinanood ‘yung pelikula. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Teresita
Sa iyo, Teresita,
Napakaganda ng kahulugan ng panaginip mo dahil ito ay nagsasabing matatapos na ang mga problema mo. May naghihintay na kaligayahan sa buhay mo sa darating na mga araw. Gayundin, may kaugnayan ito sa binabalak mong pag-aasawa sa iyong kasalukuyang karelasyon. Pinaghahandaan na niya ang nalalapit ninyong kasal. Magiging maligaya ka sa piling niya at hindi magtatagal ay mabubuntis ka na at magkakaanak na kayo, ‘yan ang ipinahihiwatig ng halos ayaw mo nang umuwi at gustong-gusto mo ang palabas.
Ang telescope sa panaginip mo ay nangangahulugan na may magandang balita kang matatanggap mula sa malayong lugar. May posibilidad na galing ito sa kapamilya mo na nagtatrabaho sa abroad at may magandang idudulot ito sa magiging buhay mo sa hinaharap. Kaligayahan, kasaganaan at mga pagpapala sa buhay ang nakatakda mong danasin sa darating na mga araw sa piling ng magiging kapartner mo sa buhay. Ngayon palang ay binabati na kita ng isang mabiyaya, maligaya at mapagpalang araw ng kasal.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments