top of page

Kahit walang pera, walang magarang damit at walang pork barrel, tuloy ang laban para sa bansang mina

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 30, 2023
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 30, 2023


Taong 1970 noon sa seminaryo ni San Jose, third year high school kaming mga nangangarap na maging pari balang-araw.


Isang paring may lahing Basco (mula Barcelona sa España) ang nagtitiyagang turuan kami ng soccer football. Hindi namin makakalimutan si Padre Juan Sanz Sj. Maliit ngunit matikas at matapang itong si Padre Juancho. Hindi puwedeng patingin-tingin lang kami. Maliit man o malaki, malambot man o hindi, gusto man o ayaw, lahat ay kailangang tumakbo, habulin at sipain ang bola.


Kung magkakasipaan sa pagtira sa bola, okey lang at hindi ito kasalanan dahil bahagi lamang ito ng larong soccer football. At isa sa hindi ko malilimutang karanasan bilang batang seminarista, ang nakapaglaro ako ng football dahil tumakbo, hinabol at sinipa ko ang bola na kung saan-saan napunta. Dito ako nadulas, nasugatan at nagkapasa-pasa. Ganito ang mundo ng soccer football gaya ng paghahanda namin sa tunay na mundo.


Kaya natuwa ako nang mabalitaan ko ang panalo ng Women’s Football Team natin laban sa mga Kiwi (New Zealand Women’s football team) noong nakaraang Martes, Hulyo 25.


Marahil, hindi lang ako kundi lahat ng Pinoy ang humanga at nagpasalamat sa galing at gilas nina Olivia Mc Daniel at Sarina Bolden. Salamat sa mahusay na pag-goalee ni Olivia. Salamat sa “winning header” ni Sarina.


Malinaw na malinaw ang panalo ng ating bansa sa laro nito laban sa New Zealand. Kapag patas ang labanan, talagang may laban. Kapag hindi, anuman ang gawin mo maski na obvious na nanalo ka, puwede ka pang matalo, mapahamak at mapahiya dahil hindi patas ang laban.


Nasungkit natin ang panalo laban sa New Zealand noong nakaraang Martes lamang habang noong Lunes, naganap naman ang isa pang mala-zarzuelang larawan ng labas at loob, ng pormal at opisyal at impormal at natural. Masasabi kong hindi football ang nangyari noong nakaraang Lunes, ngunit matuturing din itong laro, o baka mas magandang tawagin na palabas.


Samantala, sumama ako sa martsa ng mga iba’t ibang grupong may kani-kanyang isinisigaw at inilalaban.


Mula sa mga dyip na “No Phase Out” ang hiyaw hanggang sa karamihang, “No to Maharlika” masaya’t masigasig ang sigaw at martsa ng magkahalong masa at mga propesyunal. Walang pagtatangi at walang mataas o mababa. Pantay-pantay ang lahat na naglalakad sa kalye mula Philoco hanggang Tandang Sora-Commonwealth Crossing.


Mahinahon at magalang ang kapulisan. Gano’n din ang mga raliyistang nagmamartsa. Tanong ko sa isang opisyal ng PNP, “Ilan po ang mga pulis na nagbabantay sa amin?”


Sumagot itong, “Humigit-kumulang pitong libo po.” Napangiti ako at nagsabing, “Baka po mas marami pa ang pulis kaysa amin.” Saka kapwa kaming ngumiti at nagkaintindihan.


Mapayapang pamamahayag ito na ginawa ng iba’t ibang grupong nagmamahal sa ating bayan.

Kung gano’n sa labas, pano naman ang sitwasyon sa loob ng Batasan?


As usual, bihis na bihis ang lahat. Nakapatadyong ang mga kababaihan habang naka-barong naman ang mga kalalakihan.


At itatanong na naman ng media sa mga babae, “Sino po ang designer ng inyong damit?” At muling maririnig ang pangalan ng mga sikat na designer ng mga rumarampang pulitiko sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.


Doon sa loob ng Batasang Pambansa, Kongreso ng Pilipinas, maririnig na naman ang mga ulat ng ginawa, gagawin at planong gawin ng mga kumakatawan na tila dalawa ang pinaglilingkuran. Una ang pormal at opisyal na mandatong paglingkuran ang lahat ng kanilang mamamayan. Pangalawa, ang ‘di pormal at patago umanong agenda na paglingkuran ang sariling interes ng pamilya at partido.


At dito, sa pangalawang pakay o agenda, malinaw na hindi na patas ang labanan. Hawak na nila ang batas, pondo, makinarya, bangko, kapulisan at kung anu-ano pa. Ngunit, hindi lang isa o dalawa, o isang Bolden at Mc Daniel, kundi libu-libong mga nagmartsa, na handang lumaban at hindi lang makipaglaro sa mga hindi patas lumaban.


Nagkita-kita at nakinig sa isa’t isa sa isinagawang SONA ng taumbayan. Buo ang pusong mananalo tayo, at panalo na nga tayo. Kahit pa walang pera, walang ternong barong at patadyong, hindi aircon at walang pork barrel. Dahil mas marami tayong nagmamahal, hindi lang sa sariling pamilya at partido, at handang ipaglaban ang bansang minamahal.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page