top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Kahit nagka-COVID pa sila ng mister… SYLVIA: PINAGPALA PA RIN KAMI KAHIT MAY PANDEMIC

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 7, 2021
2 min read

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | March 7, 2021





Karamihan sa atin ay itinuring na bad year ang 2020 dahil sa Covid-19 pandemic. Pero kakaiba ang aktres na si Sylvia Sanchez dahil kahit muntikan na siyang mamatay kasama ang asawang si Art Atayde dahil kasama sila sa mga naunang biktima ng nakamamatay na virus noong Abril, 2020 ay nabuhay sila at muling nakapiling ang mga anak.


“Hindi ko puwedeng sabihing bad year for us ang 2020 kahit nagka-covid kami kasi ang daming blessings na dumating sa pamilya namin. Totoo, maraming nawalan ng work at kasama rin naman kami ru'n nu’ng magsara ang ABS-CBN.


“Pero 2020 din nagbukas ang TV5 for Ria (Atayde), inalok siya ng APT (Entertainment) for a show, ‘yung Chika Besh with Pokwang at Pauleen (Luna-Sotto), so may work siya, blessing ‘yun. Nagpaalam siya sa management kung puwede niyang tanggapin ‘yung offer, kasi kung binawalan siya, hindi naman niya tatanggapin, pero sobrang bait ng ABS kasi walang work kaya pinayagan siya.


“Tapos, bandang September, heto, may offer sa aking teleserye, ‘yung Huwag Kang Mangamba, ang ganda ng role ko, Gloria level (karakter niya sa The Greatest Love), hindi ba ako magpapasalamat noon? Bigla akong nagkatrabaho?


“Tapos si Arjo (Atayde), nanalo ng Best Actor sa 3rd Asian Academy Creative Awards 2020 for Bagman, hindi ba blessing ulit ‘yun?


“Kaya ano ang dapat kong ipagsisi sa 2020? Ano ang dapat kong kuwestiyunin sa Diyos, eh, heto, panibagong buhay, tapos ang daming blessings sa pamilya ko.


“Mga anak ko, sa awa ng Diyos, hindi sila nagkakasakit. Nanay ko na nasa Nasipit (Agusan del Norte), awa ng Diyos, masigla, malakas, kaka-birthday lang (75 years old). Mga kapatid ko, okay din.


“Pamilya ng asawa ko, lahat, okay, walang may mga sakit. Kaya sobrang nagpapasalamat kami sa 2020 kahit nagka-covid kaming mag-asawa,” ang pahayag ni Ibyang nang makatsikahan namin kamakailan.


Kaya sobrang blessed din ng pamilya nina Sylvia at Papa Art dahil nang gumaling na sila sa covid-19 ay marami naman silang natulungang nangangailangan na hindi na nila ipinamalita pa.


Hindi man sila nakatanggap ng materyal na bagay bilang kapalit ay ibang blessings naman ang ibinigay sa kanila ni Lord.


Samantala, nabanggit ni Ibyang na paalis na naman siya at mawawala for 20 days para sa 3rd cycle locked-in taping ng teleseryeng Huwag Kang Mangamba na talagang bagay sa kanya dahil sa tuwing wala siya sa bahay ay kabado siya kung ano'ng nangyayari sa pamilya niya o sa mga tao sa bahay nila.


Anyway, puring-puri ni Sylvia ang mga bagets na bida sa show na sina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Francine Diaz at Kyle Echarri na sobrang magagalang na bata at mahuhusay umarte.


Kung walang pagbabago ay sa Marso 22 na ang airing ng Huwag Kang Mangamba kapalit ng Ang sa Iyo ay Akin. Mula sa direksiyon nina Emmanuel Q. Palo, Darnel Joy Villaflor at Jerry Lopez Sineneng, handog ito ng Dreamscape Entertainment.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page