Kahit Miss Universe pa… ENCHONG, UMAMING 'DI TYPE JOWAIN SI PIA
- BULGAR

- Jan 20, 2021
- 3 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | January 20, 2021

Uso talaga ang larong Jojowain at Totropahin dahil pati sina Enchong Dee at Erich Gonzales ay sumabak na rin na in-upload nila sa EnRich Originals YouTube channel nila.
May disclaimer kaagad ang dalawa na laro lang at huwag seryosohin kung sinuman ang mga pangalang mababanggit.
Tanong ni Enchong kay Erich, jojowain o totropahin ba ng aktres ang Korean actor na si Jo In-Sung?
“Napanood ko siya sa Winter, The Wind Blows kasama niya si Song Hye-kyo. Jojowain ko si Jo In-Sung. Hindi ko kilala pero base sa characters na. Haha! Doon nag-base.”
Tanong ulit ni Enchong kay Erich ay another Korean actor na si Park Seo-joon.
Ang ganda ng ngiti ng dalaga, “Jojowain. Ayieee. Itaewon Class at What's Wrong with Secretary Kim (sabay palakpak).”
Tinanong naman ni Erich si Enchong kung type nitong jowain ang Miss Universe na si Pia Wurtzbach.
“Totropahin ko si Pia," say ng binata.
Balik-tanong ng dalaga, "Bakit?"
“Parang tropa lang siya. Siguro, hindi siya ‘yung preference ko, saka nakasama ko siya sa ASAP Sydney (Australia), talagang tropa, ang sarap kausap, parang cowboy,” paliwanag ng aktor.
Si Ryan Bang ang ikatlong tanong kay Erich at sagot ng aktres, “Ahh, totropahin natin ‘yan si Ryan Bang.”
“Akala ko ba, mahilig ka sa Korean looking?” tanong ni Enchong sa kaibigan.
“Hindi, kaibigan ko talaga ‘yan! Nakasama ko si Ryan Bang sa Shout Out (2011). Tulad ng nakasama mo na, parang tropa ‘to, eh,” katwiran ni Erich.
Si Kathryn Bernardo?
“Totropahin ko si Kath kasi nakasama ko siya at saka talagang tropa ko siya (kahit wala si Daniel Padilla). Kasi nakasama ko siya sa out of the country, mahilig siyang mag-alaga sa mga taong nasa paligid niya. Tapos, nagkasama kami sa Rome, nawala sila ni DJ for 30 minutes, tapos pagbalik nila, mayroon silang gift sa akin, saka nasa mamahalin kaming area.”
“Aww, nawala sila nang 30 minutes, tapos may gift sa ‘yo? Oy, mahal ang gift,” tukso ni Erich kay Enchong.
“Kaya kailangan ko silang tropahin,” nakangiting sabi pa ng binata.
Ang naging leading man ni Erich na si Mario Maurer sa pelikulang Suddenly It’s Magic ang next na tanong sa dalaga.
“Ahh, si Mario, totropahin. Alam n’yo, guys, share ko lang sa inyo na kahit ang tagal-tagal na ng Suddenly It’s Magic (2012), ilang taon na ang nakalipas, hanggang ngayon ay may communication pa rin kami, nagte-text or kahit sa IG, nagpi-PM, at saka ‘yung kuya niya, si Marco at ‘yung mother niya, si Pia,” kuwento ni Erich.
Nabanggit din na kapag hindi sila busy at nagpunta ang dalaga sa Thailand ay nagkikita sila ng Thai actor.
Napabuntong-hininga naman si Enchong nang si Liza Soberano na ang tanong sa kanya ni Erich, sabay sagot ng “Jojowain!”
Paliwanag niya kung bakit siya napabuntong-hininga, “Eh, kaibigan ko kasi si (Enrique Gil). Ay, sige, kunwari, walang jowa. Eh, ang ganda naman kasi talaga niya, eh. Tapos ang sarap niyang kasama, she’s so cool. She has these adventure na gusto ko rin. Parang ang sarap niyang makasama sa mga adventures at mga trips abroad,” kuwento ng aktor.
Nabanggit din ang pangalan ni Maja Salvador at ang sagot ni Enchong, “Siguro, jojowain. Parang ikaw (Erich), gustung-gusto ko kasi ‘yung aura, ‘yung good vibes, ‘yung kindness sa heart. Gusto ko ‘yung 'pag may grupo na kahit hindi niya kilala, she will make that person feel comfortable.”
Dagdag din ng dalaga, “At iba ‘yung energy niya talaga, kumbaga contagious, ‘yung positive vibes niya. ‘Yung pagpasok niya sa room, wow, bright or brighter? Alam mo ‘yun?”
Sabay nag-kiss si Enchong kay Maja sa camera. Hirit ni Erich, “Love you, Maja."
Kumunot-noo ang binata, “Akin ‘yun, eh.”
Marami pang binanggit na Korean personalities si Enchong kay Erich na ‘yung iba ay tropa at jowa. Para mas kiligin sa mga sagot ng EnRich ay panoorin ang kanilang vlog.





Comments