ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Sep. 22, 2024
Nagpatikim para sa 50th Year ng Metro Manila Film Festival (MMFF) dahil naka-display na sa MMDA building facade sa Orense EDSA ang mural ng hand painted wall ng mga movie icons na gawa ng mga estudyante ng IAcademy.
Ang mga mukha ng movie icons na nasa wall ay kinabibilangan nina Eddie Garcia, Dolphy, Fernando Poe, Jr, Anthony Alonzo, Nora Aunor, Vilma Santos, Christopher De Leon, Maricel Soriano, Cesar Montano, Vic Sotto, Vice Ganda, Amy Austria, Joseph Estrada, Dingdong Dantes, Marian Rivera at Gloria Romero.
Naging malaking katanungan na agad kung bakit ang mga nabanggit lang ang may mukha sa nasabing mural sa EDSA at ang sagot naman ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ay sila ‘yung maraming awards ang nakuha sa MMFF sa loob ng 50 years or more kaya nasa Hall of Famer na sila at ‘yung iba ay all-time high box-office hit tulad nina Dingdong at Marian.
Nagtanong din kami sa mga taga-MMFF kung bakit wala si Sharon Cuneta at sinagot kami ng isang beses lang siya nanalo ng Best Actress sa Mano Po 6: A Mother’s Love. Si Aga Muhlach ay isa rin para sa Miracle Cell No. 7. Si Judy Ann Santos ay dalawang beses palang nanalo - para sa Kasal, Kasali, Kasalo (2006) at ang Mindanao noong 2019.
Nabanggit pa na dumaan sa matinding research ang lahat nang ilang beses bago ito pinirmahan ni MMDA/MMFF Chairman Artes.
Sa ginanap na mural launch nitong Huwebes, Setyembre 19, ay scene stealer ito sa mga commuters. Inaabangan ang mga pelikulang kalahok sa MMFF simula sa Disyembre 25.
TUNGKOL naman sa Sine Sigla sa Singkwenta (SSAS), ayon kay Atty. Artes, “With the Sine Sigla sa Singkwenta screenings, we will bring some of the most memorable MMFF films back to the big screen for just PHP50 per screening, allowing both new audiences and long-time fans to experience the magic of these beloved films on screen once again.
“These films represent the best of what MMFF has offered over the past five decades.”
Kasama sa mga pelikulang mapapanood sa mga piling sinehan mula Luzon, Visayas at Mindanao simula sa Setyembre 25 hanggang Oktubre 15 na ang babayaran lang ay P50 ang Himala, Atsay at Minsa’y Isang Gamu-gamo ni Nora Aunor; Karma, Imortal, at Langis at Tubig ni Vilma Santos; Ang Panday, Agila ng Maynila, at Ang Alamat ng Lawin ni Fernando Poe, Jr.; Tanging Yaman at Rainbow’s Sunset ni Gloria Romero; Kung Mawawala Ka Pa, Bad Bananas sa Puting Tabing, at Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? ni Christopher de Leon.
Ang entry naman ni Hilda Koronel ay ang Insiang, Kung Mangarap Ka’t Magising, at Crying Ladies; Ang May Minamahal at Miracle in Cell No. 7 ni Aga Muhlach; Kasal. Kasali, Kasalo nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo; Firefly at One More Try ni Dingdong Dantes; Walang Forever nina Jericho Rosales at Jennylyn Mercado.
Nandiyan din ang Ang Bulaklak ng Maynila nina Angelu de Leon at Elizabeth Oropesa; Moral with Lorna Tolentino at Gina Alajar; Karnal nina Cecille Castillo at Charito Solis; Mga Bilanggong Birhen nina Alma Moreno at Trixia Gomez; Jose Rizal ni Cesar Montano.
Pasok din ang Okay Ka, Fairy Ko! ni Vic Sotto; Ang Panday ni Bong Revilla; Ang Tanging Ina Mo ni Ai Ai delas Alas; Ang Babae sa Septic Tank 2 ni Eugene Domingo; Markova ni Dolphy; Die Beautiful ni Paolo Ballesteros.
Kasama rin ang pelikulang Big Night ni Christian Bables; Gandarrapido! Revenger Squad ni Vice Ganda; Brutal ni Amy Austria; Mano Po ni Maricel Soriano; Darna ni Nanette Medved.
Nandiyan pa ang Captain Barbell ni Herbert Bautista; Magic Temple nina Jason Salcedo at Anna Larrucea; Feng Shui II ni Kris Aquino; Bonifacio, Ang Unang Pangulo ni Robin Padilla; Manila Kingpin: The Untold Story of Asiong Salonga ni ER Ejercito; ang unang dalawang installment ng Shake, Rattle and Roll, at marami pang iba.
Sey pa ni Atty. Artes, “Nagse-send out naman po tayo ng invitation na ‘pag ‘yung pelikula po nila ang ipapalabas ay iwe-welcome natin sila.
“In fact we want to make a program nga po, eh, na after ng pagso-show ng pelikula, baka puwedeng magkaroon ng talkback session para i-discuss nila ‘yung challenges nila sa paggawa ng pelikula. ‘Yung mga aspeto po ng paggawa ng pelikula. Yes, we will do that po.”
Samantala, buo rin ang suporta sa Sine Sigla sa Singkwenta nina National Artist Ricky Lee at MOWELFUND Chair Boots Anson-Rodrigo.
Anyway, ang huling pahayag ng MMDA/MMFF chairman ay sa Setyembre 30 ang deadline ng natitirang 5 finished film entries para sa 50th MMFF at sa Oktubre 15 naman ito iaanunsiyo para sa kabuuang 10 films na mapapanood sa Disyembre 25.
Comments