Kahit may edad na… Biglaang suwerte at babae, magpapayaman sa mister
- BULGAR
- Dec 6, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 06, 2021
Dear Maestro,
Gusto kong malaman ang kasagutan sa aking problema sa buhay. Kailan ako yayaman o may pag-asa pa ba akong yumaman kahit ako ay may edad na? June 13, 1958 ang birthday ko.
Maraming salamat, Maestro!
Umaasa,
Jhermar ng Talaba, Bacoor, Cavite
Dear Jhermar,
Ayon sa Numerology, sinasabing yumayaman ang mga taong 13 (o taong 4, ang 13 ay 1+3=4) sa biglang suwerte tulad ng lotto at iba pang number games. Gayundin, ang sitwasyong halimbawang may naghihingalong matanda sa gilid ng highway at iyong tinutulungan, tapos hindi sinasadyang napakayaman niya kaya ikaw ay pinamanahan.
Puwede rin ‘yung sitwasyong lugmok ka sa mabibigat na problema kaya nang umuwi ka sa bahay ay bagsak ang iyong balikat at nakayukong naglalakad, walang ano-ano at bigla kang nakakita ng bag na punumpuno ng salapi.
Ganu’n ang mga sitwasyong nagpapayaman sa mga Taong Trese— mahiwaga, magara, biglaan at kataka-taka. Kaya kahit na 63 na ang iyong edad, kumbaga sa araw ay papalubog na, ‘wag kang mawawalan ng pag-asa na yumaman.
Samantala, kung ang destiny number mo namang 3 ang titingnan (naging 3 ang destiny number mo dahil ang birthday mong June 13, 1958 ay 6+13+1958=1977/ 19+77=96/ 9+6=15/ 1+5=6), babae naman ang magpapayaman sa iyo dahil ang numerong 6 ay may kaugnayan sa babae.
Ibig sabihin, puwede ring may anak kang babae na uunlad at siya ang yayaman. Dahil mayaman ang anak mong ito, babalatuhan ka rin niya ng kayamanang kanyang tinatamasa.
Puwede rin namang kahit may edad ka na, isang mayamang biyuda ang magkakagusto sa iyo at mula nang iyong makasama ang nasabing babae, hindi sinasadyang bigla ka ring yumaman.
Basta ang susi para yumaman ang mga taong may destiny number na 6 tulad mo, sa tulong ng mga babae at mga taong nakasuot ng kulay pula, sila ay umuunlad at yumayaman.
Samantala, uulitin natin kung ang birth date mo namang 13 ang pagbabatayan, ang susi ng kanilang pagyaman ay biglang suwerte at mga suwerte o magagandang kapalarang hindi inaasahan.
Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran simula sa ika-21 ng Pebrero hanggang ika-22 ng Marso, mula sa ika-21 ng Hunyo hanggang ika-22 ng Hulyo at mula sa ika-21 ng Oktubre hanggang sa ika-22 ng Nobyembre, gayundin sa buong singkad ng buwan ng Mayo at buwan ng Oktubre.
Habang, ayon sa Decadens ng Kapalaran, significant at favorable years mo naman ang mga taong 2022, 2023 hanggang 2024. Sa panahong ‘yun, biglang darating sa buhay mo ang pagyaman at hindi inaasahan at sobrang laki o dambuhalang suwerte.




Comments