Kahit mag-asawa na… DINGDONG, UMAMING MAY ITINATAGO PA RIN SILA NI MARIAN SA ISA’T ISA
- BULGAR

- Jul 2
- 3 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | July 2, 2026

Photo: File / Dingdong Dantes - Interview
Opisyal nang naganap ang contract signing kahapon ng grupong Aktor PH, Unilab at Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) para sa collab project na health and wellness program para sa mga miyembro ng grupong pinamumunuan nina Dingdong Dantes (as chairman) at Iza Calzado (as president).
Mabilis lang ang naging takbo ng programa kung saan present din sina Ms. Claire Papa (Unilab’s External Affairs & Social Partnerships Head) at Ms. Tessa Mauricio Arriola (SPEEd president) para sa contract signing.
Sa kanyang speech, sinabi ng Aktor PH chairman na si Dingdong na nang itayo nila ang grupo 6 yrs. ago, ang layunin nila ay “To create a community of empowered actors.”
Dagdag nitong nasa isip daw nila dati nang itayo ang grupo, “Paano ba magiging empowered ang isang aktor? Ano bang klase ang mga miyembro na gusto nating maimbitahan? Ano bang gusto nating maging resulta ng pagiging miyembro nila sa atin?”
Hanggang sa nag-come up raw sila sa idea na ang gusto nilang maging resulta ng pagiging member ng Aktor PH ay “nation builder”.
“More importantly, ang pangarap sana namin sa isang ‘Aktor’ ay siya ay maging protector of the community,” dagdag pa ni Dingdong.
Pero paano raw nila magagawa ‘yun kung hindi muna nila tututukan ang welfare at kalusugan ng kanilang mga miyembro?
Kaya nang tumawag daw sa kanya si SPEEd Pres. Tessa para aluking mag-collab ang SPEEd at Aktor PH para sa “TAKING CARE OF OUR OWN” program na ang layunin ay unahin ang kapakanan ng mga kasamahan sa industriya, natuwa si Dingdong sa idea at agad na sumang-ayon.
At malaking bagay din siyempre ang suporta ng Unilab na nangakong magbibigay ng easier access para makabili ng mas murang gamot ang mga members ng Aktor PH para sa kanilang maintenance medicines.
Kaya naman good news tiyak ito sa nasa 400 members ng Aktor PH na makikinabang sa naturang programa.
Samantala, nang makapanayam namin si Dingdong after ng contract signing, nakumusta sa kanya ng ilang SPEEd officers ang naging shooting nila ng misis na si Marian Rivera ng kanilang MMFF 2026 entry na Remember sa Quebec, Canada.
Aminado naman si Dong na masayang-masaya siya na super nag-bonding sila ni Marian at parang ito na ‘yung naging ‘alone time’ nilang dalawa dahil na-solo nga nila ang isa’t isa after shooting.
Naikuwento rin ni Dingdong na nagulat siya sa ipinakitang kakaibang level of acting ni Marian.
Meron nga raw silang isang eksena na natulala siya rito at nawala siya sa sarili kaya na-cut pa siya ng kanilang direktor.
Hindi naman daw niya tinanong si Marian kung ano’ng ‘hugot’ nito sa galing na ipinakita sa acting bilang respeto raw sa misis.
So, kahit pala mag-asawa na sila, may mga itinatago pa rin sila sa isa’t isa, ‘no?
Paliwanag ni Dingdong, “Siyempre, ayoko namang basagin ‘yung trip niya na ‘Ano ba ‘yung ginawa mo? Ano ‘yung proseso mo?’ Siyempre, inire-respect ko ‘yung ganu’ng side niya kung paano niya nabubuo ‘yung character niya.”
Well, abangan na lang kung ano’ng eksena ang ikinatulala ni Dingdong sa akting ni Marian sa Remember.
NAGSANIB-PUWERSA ang Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) at digital entertainment company na PlayTime Entertainment para sa nalalapit na 9th Entertainment Editors' Choice.
Ang prestihiyosong taunang parangal sa pelikula na The 9th EDDYS ay itatanghal ng PlayTime Entertainment sa ilalim ng bagong nilagdaang kasunduan.
Nagsara ang partnership sa isang contract signing ceremony na ginanap sa PlayTime Entertainment noong Hunyo 22. Pinag-isa ng kolaborasyon ang grupo ng mga entertainment editors ng bansa at ang digital entertainment platform para ipagdiwang ang pinakamagagandang tagumpay sa Philippine cinema.
Dumating sa ginanap na contract signing ang mga representatives ng parehong panig.
Para sa PlayTimeEntertainment, present ang president nitong si Roy Alcid at ang company spokesperson na si Adela Mae Marshall. Dumalo naman para sa SPEEd ang pangulo nitong si Tessa Mauricio Arriola ng The Manila Times, kasama ang SPEEd vice-president for internal affairs na si Maricris Valdez.
"Lubos na ikinararangal ng PlayTime Entertainment na makipagtulungan sa SPEEd na bibigyang-parangal ang mga mahuhusay at natatanging talento ng industriya ng pelikula sa Pilipinas at sumasalamin sa aming pangako sa pagsuporta sa mga lokal na sining, at kami ay nasasabik na tumulong sa pagdala ng hindi malilimutang edisyon ng The EDDYS sa mga Pilipinong manonood," pagbabahagi ni Marshall.
"Natutuwa kaming tanggapin ang PlayTime Entertainment bilang aming opisyal na tagapagtanghal para sa mga parangal ngayong taon, dahil ang kanilang pananaw ay naaayon sa adhikain ng SPEEd na kilalanin ang pambihirang paggawa ng pelikulang Pilipino. Sa kanilang suporta, ang 9th EDDYS ay inaasahang mas magniningning sa pagbibigay ng spotlight sa pinakamahuhusay na kontribusyon sa ating pambansang sinehan," dagdag ni Mauricio.
Ipinagpapatuloy ng EDDYS ang tradisyon nito sa pagpaparangal sa craftsmanship, dedikasyon, at artistikong hilig ng mga lokal na aktor, filmmaker, at behind-the-scenes creatives na ilabas ang kanilang lubos na galing sa larangan ng Philippine cinema.





Comments