top of page

Kahalagahan at kahulugan ng pagsisindi ng kandila

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 15, 2020
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | August 15, 2020



Bawat isa ay may kani-kanyang dahilan kung bakit nagsisindi ng kandila. Malalim ang kahulugan ng pagsindi ng kandila lalo na sa mananampalatayang Katoliko.


Nagsisindi tayo ng kandila sa iba’t ibang okasyon tulad ng binyag, kumpil, unang komunyon, kasal, ordinasyon ng pari at sakramento ng may sakit.


Gayundin, napakaraming pista na may kaugnayan sa banal at mahiwagang buhay ng Panginoong HesuKristo ang gumagamit ng kandila upang bigyang-parangal at pagpapahalaga ang naturang yugto sa buhay Niya. Ganun din ang kapistahan ng mga santo at iba pang araw sa ordo o kalendaryo ng mahahalagang pista ng Simbahang-Katolika.


Samantala, sa karaniwang buhay, mahalaga rin ang pagsisindi ng kandila, tulad kapag may birthday, araw ng pangilin o paggunita sa kadakilaan ng mga bayani, ‘candle light’ dinner at kung nagdarasal o may ginaganap na seryoso o sagradong pagtitipon sa bahay, simbahan o saanmang lugar.


Kapag Undas, karamihan sa mga Kristiyano ay nagtutungo sa sementeryo upang gunitain at ipagdasal ang kanilang mahal sa buhay na nauna na sa piling ng Maykapal. Ngunit, ano nga ba ang ibig sabihin ng mga kandila na ating sinisindihan sa dalawang unang araw ng Nobyembre?


Una, ang liwanag ng kandila sa gitna ng kadiliman ng gabi ay ang pangakong hindi paglimot sa ating mga mahal sa buhay na pumanaw na. Sa ating katekismo, natutunan natin ang kahalagahan ng panalangin para sa mga kaluluwa sa purgatoryo. Kapag inalala at ipinagdarasal natin ang mga yumao, makatutulong ito sa mas mabilis na paglisan nila sa purgatoryo upang tumungo sa langit.


Pangalawa, ang sama-samang pagpunta sa libingan bilang pamilya ay mahalagang bahagi ng pagpapalakas ng angkan, mula sa lolo’t lola hanggang sa mga anak, apo at ang iba pang miyembro ng pamilya.


Pangatlo, sa ating pagtungo sa sementeryo upang dalawin ang ating mga mahal sa buhay, inihahanda rin natin ang ating sarili para sa araw ng ating pagpanaw at pagbalik sa lumikha.


***


Bagama’t ilang buwan pa bago ang Undas, sa aming parokya ng San Isidro Labrador, tila napaaga ang pagsisindi ng mga kandila para sa mga yumao.


Ilang araw na kaming nagsisindi ng pitong kandila bilang paalala ng mga taga-Pinyahan na pito na ang pinatay sa nagdaang walong buwan (mula Enero hanggang Agosto). Gabi-gabi bago matapos ang pagdiriwang ng misa ng ika-6 ng gabi, ang pitong kandila ay may tatlong layon: paalala at panalangin at pagsusumamo.


Sa gitna ng lungkot sama ng loob ay hindi kami titigil. Magsisindi kami ng kandila upang alalahanin at ipagdasal ang mga pinatay at magsumamo na tumigil at itigil na ang patayan. Sa kabila nito, nag-uusap-usap na rin kami upang palaganapin ang pananagutan, pagkalinga at katarungan para sa mga taga-Barangay Pinyahan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page