Kagawad, niratrat ng pulis

by Mervin Reyes @News | September 20, 2026

Photo: FP
Sumuko sa mga awtoridad ang isang pulis matapos umanong barilin at mapatay ang isang barangay kagawad sa Palapag, Northern Samar, nitong Biyernes, Setyembre 18.
Ayon sa Palapag Municipal Police Station, nakaupo sa waiting shed sa tapat ng barangay auditorium ang 50-anyos na kagawad ng Brgy. Mapno nang lapitan umano ng 40-anyos na patrolman at pagbabarilin alas-2:53 ng hapon.
Narekober sa lugar ang limang basyo ng 9 mm at isang slug.
Sa inisyal na imbestigasyon, may dati umanong alitan ang dalawa na may kaugnayan sa hindi pagkakaunawaan ng kanilang mga pamilya.
Nagsagawa ng hot-pursuit operation ang pulisya matapos mai-report ang insidente. Kalaunan, sumuko ang suspek at isinuko ang kanyang PNP-issued Taurus 9 mm pistol, tatlong magazine at 23 bala.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.





Comments