Kable ng bayan, huwag gawing kabuhayan ng magnanakaw

by Info @Editorial | November 15, 2026

Hindi simpleng pagnanakaw ang pagtangay ng mga kable at iba pang kagamitan sa mga pasilidad ng gobyerno, lalo na sa EDSA Busway. Tahasang pagsabotahe ito sa mga serbisyong pinakikinabangan ng publiko.
Dapat nang higpitan ang batas at magpatupad ng mas mabigat na parusa laban sa mga magnanakaw ng kable, ilaw, bakal at iba pang kagamitang pampubliko.
Hindi lamang halaga ng ninakaw ang dapat pagbatayan ng pananagutan, kundi pati ang pinsala, abala at panganib na idinudulot nito sa mga mamamayan.
Kapag nawalan ng ilaw o nasira ang isang pasilidad, kaligtasan ng mga komyuter ang nakataya. Ang mas masaklap, pera na naman ng taumbayan ang gagamitin sa pagkukumpuni ng mga ninakaw at sinirang kagamitan.
Hindi rin dapat makalusot ang mga bumibili at nagbebenta ng mga nakaw na materyales. Hangga't may tumatangkilik sa mga ito, magpapatuloy ang ganitong krimen.
Panahon nang gawing mas mabigat ang kaparusahan at tiyaking may tunay na napapanagot.
Ang pagnanakaw sa pasilidad ng gobyerno ay pagnanakaw din sa serbisyo, seguridad at buwis ng bawat Pilipino.



Comments