Isang silip sa cellphone, buhay ang kapalit

by Info @Editorial | November 13, 2026

Hindi laruan ang manibela at hindi lugar para mag-cellphone ang kalsada. Isang saglit na pagtingin sa screen, puwedeng mauwi sa aksidenteng kumitil ng buhay.
Sa panahon ngayon, tila mas mahalaga pa sa ilan ang mag-selfie, mag-video, mag-chat, o mag-update sa social media kahit nagmamaneho. Ang masama, hindi lamang sariling buhay ang inilalagay nila sa panganib kundi pati ang mga inosenteng motorista, pasahero, at pedestrian.
Walang text, tawag, selfie, o social media post na mas mahalaga kaysa buhay ng tao. Kung kailangang gumamit ng cellphone, tumabi muna at huminto sa ligtas na lugar. Hindi kailangang isugal ang kaligtasan para lamang makasagot sa isang mensahe.
Hindi rin dahilan ang pagmamadali, pagiging bihasa sa pagmamaneho o ang pagiging sikat. Ang batas ay para sa lahat, at walang sinisino ang aksidente.
Dapat ding maging mahigpit ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas laban sa distracted driving.
Tandaan, hindi lamang sariling buhay ang hawak mo kapag nasa likod ka ng manibela. May mga pamilyang naghihintay sa bawat taong kasabay mo sa kalsada.



Comments