top of page

Kabayanihan ng bawat Pinoy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 22, 2021
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 22, 2021



Naaalala pa natin ang mga pangyayari noong ika-21 ng Agosto, 1983. Nang makaraan ang tatlong taon mula ng kanyang operasyon sa puso sa isang ospital sa Dallas, Texas ay nagpasyang umuwi ng Pilipinas si dating Sen. Benigno Aquino. Ayon kay ex-Sen. Salonga, “Umuwi si Ninoy dahil sa inip at pagnanasang lumahok sa mahahalagang nangyayari sa ating bansa.”


Maaalala natin kung paano nagdusa ang dating senador mula ika-21 ng Setyembre, 1972 nang ipakulong ito kasama ng iba pang lider ng oposisyon. Nanatili siya nang walong taon sa kulungan. Halos kakukulong pa lang niya, sinimulan niya noong ika-4 ng Abril, 1972 ang isang 40-araw “hunger strike” laban sa pagdeklara ni ex-P-Marcos ng Martial Law. Sa mga sumunod na taon, nagtiis si Ninoy ng pagkakakulong hanggang sa humina ang puso nito at kinailangang ma-operahan. Hindi siya pumayag magpaopera sa anumag ospital sa Maynila dahil sa takot nitong masabotahe ang operasyon. Alam din ni Marcos ang malalim na implikasyon ng anumang hindi magandang mangyari kay Ninoy kung ito ay ooperahan sa Pilipinas. Kaya’t pinayagan na lang ito magpa-opera sa Estados Unidos.


Matagumpay ang operasyon ni Ninoy at naging tahimik at ligtas ang buhay niya at ng kanyang pamilya sa Estados Unidos sa sumunod na tatlong taon. Maaaring nanatiling tahimik at ligtas ang buhay ni Ninoy sa Estados Unidos, ngunit hindi matamik si Ninoy sa mga nangyayari sa kanyang bansa sa mga oras na iyon. Alam ni Ninoy na hindi na maganda ang kalusugan ni Marcos, ngunit tila nagbabakasakali siyang makikinig ang dating pangulo sa kanya kung pakikiusapan niyang wakasan na ang Martial Law at ibalik ang demokrasya.


Kaya nang lumanding ang sinasakyan niyang eroplano sa ganap na alas-1:04 ng hapon, iba na ang pakiramdam ni Ninoy. Nagro-rosaryo ito. At sinabihan niya ang kanyang bayaw na reporter na si Ken Kashiwara, “Ligtas ako rito. Ngunit kung babarilin nila ako sa ulo, tapos ako.” Nagsuot ng “bullet proof vest si Ninoy at naghandang bumaba ng eroplano. Paglapag ng eroplano, sinundo siya ng ilang miyembro ng AVSECOM. Sinabihan ang lahat na manatiling umupo habang sinasamahan si Ninoy lumabas ng eroplano. At ilang minute pa lang nakalalabas ng eroplano si Ninoy nang narinig ang ilang putok ng baril. Nakita na lang ng mga nasa eroplanong nakahandusay sa tarmac si Ninoy.


Mabilis kumalat ang balitang binaril si Ninoy. Sa mga sumunod na araw, dinagsa ang burol ni Ninoy sa kanyang bahal sa Times Street at Santo Domingo Church. Nang ilibing si Ninoy noong ika-31 ng Agosto 1983, halos dalawang milyong mamamayan ang naglakad at naghintay dumaan ang truck na lulan ang labi ni Ninoy.


Milyong Pilipino ang dumagsa sa libing ni Ninoy. Si Ninoy ba ang hanap nila o hanap nila ang kanilang sarili na tila nawala at natabunan ng lumipas na 21-taon ng pang-aabuso ng diktador, ng kanyang pamilya at alipores. Naroroon ako. Naglakad ako mula Santo Domingo Church hanggang Magallanes, Makati. Hindi natin maalala kung ilang oras ako naglakad. Hindi mo talaga pansin ang layo at ang pagod dahil marami, napakaraming naglalakad. Hanap ba nila si Ninoy o hanap nila ang nawawala nilang sarili?


Napakahalagang balikan ang mga aral ng mga araw na iyon. Tiyak na maraming aral. Ngunit, isa sa pinakamahalagang aral ay ang milyun-milyong naglakad at patuloy na naglakad hanggang Pegrero 1986. Si Ninoy ang kanilang nais makita, nais ihatid at samahan. Ngunit, hindi lang si Ninoy ang kanilang hinahanap… Hindi lang si Ninoy ang namatay na bayani. Napakaraming buhay na naglalakad. Napakaraming nabuhay na bayani. Salamat, salamat Ninoy sa pag-alay ng sarili.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page