top of page

Kabataan, ‘wag hayaang maging biktima ng pambubugaw

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 22
  • 1 min read

by Info @Editorial | June 22, 2025



Editorial


Habang umuunlad ang teknolohiya, tila kasabay din ang paglaganap ng mga krimeng sumisira sa moralidad at kinabukasan ng kabataan — isa na rito ang talamak na pambubugaw. 


Sa mga ulat at operasyon ng mga otoridad, dumarami ang kasong kinasasangkutan ng mga bata na ginagamit sa prostitusyon, kapalit ng salapi o pansariling kapakinabangan ng mga bugaw.


Ang mas masaklap, kadalasan ay malalapit sa biktima ang mga salarin — mga magulang, kamag-anak, o mga taong pinagkakatiwalaan. Ginagamit ang kahirapan bilang dahilan, at ang kawalang-malay ng bata ay inaabuso. 


Sa ilang pagkakataon pa, ibinubugaw ang mga bata sa pamamagitan ng social media at live streaming platforms, na mas mahirap bantayan at kontrolin.


Ang ganitong klase ng krimen ay hindi lamang paglabag sa batas kundi isang malupit na pananamantala sa pagkatao ng isang bata. 


Hindi sila produkto na maaaring ibenta dahil sila ay may dignidad at karapatang protektahan. Pananagutan ng estado, komunidad, at ng bawat mamamayan na siguruhing ligtas ang bawat batang Pilipino mula sa ganitong karahasan.


Kailangan ng mas agresibong hakbang tulad ng mas mahigpit na monitoring sa online activities, mas mabilis na aksyon mula sa DSWD at PNP, at mas matinding parusa sa mga bugaw at kliyenteng sangkot. 


Ngunit higit sa lahat, kailangan ng edukasyon — sa loob ng tahanan, paaralan, at simbahan — tungkol sa paggalang sa karapatan ng bata.


Ang kabataan ang pag-asa ng bayan, ngunit papaano sila magiging pag-asa kung tayo mismo ang nagpapahintulot na wasakin sila?


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page