Mang-aabuso sa presyo ng petrolyo, tuluyan
- BULGAR

- 4 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | March 10, 2026

Bukas inaasahang sisipa ang presyo ng petrolyo dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Gayunman, ang higit na nagpapabigat sa pasanin ng mamamayan ay ang posibilidad na may mga mananamantala sa ganitong sitwasyon.
Dahil dito, nararapat lamang na maging mahigpit ang pamahalaan sa pagbabantay sa galaw ng mga kumpanya ng langis at tiyaking sumusunod ang mga ito sa makatarungang pagpepresyo.
Ang transparency sa cost adjustments at ang maagap na imbestigasyon sa mga kahina-hinalang pagtaas ng presyo ay mahalagang hakbang upang maprotektahan ang publiko.
May mga batas at ahensya na may tungkuling bantayan ang ganitong uri ng pang-aabuso. Ngunit ang tunay na hamon ay kung paano masisiguro na ang mga ito ay epektibong naipapatupad.
Kung mapapatunayang may mga kumpanyang nagsamantala sa krisis upang palakihin ang kanilang kita, dapat lamang na managot ang mga ito sa ilalim ng batas. Ang pananagutan ay hindi lamang parusa; ito rin ay babala sa iba na hindi dapat gawing oportunidad ang paghihirap ng taumbayan.
Ang krisis sa pandaigdigang merkado ng langis ay maaaring hindi agad maresolba. Ngunit ang isang bagay na dapat manatiling matatag ay ang prinsipyo ng katarungan at proteksyon sa mamimili.
Sa panahon ng bigtime oil price hike, ang sinumang mananamantala sa presyo ng petrolyo ay dapat totohanang mapanagot.


Comments