Kabataan ‘di maliligtas ng cellphone sa sakuna, dapat laging handa
- BULGAR

- 1 day ago
- 1 min read
by Info @Editorial | June 15, 2026

Sunud-sunod ang mga sakunang nararanasan ng bansa. Nariyan ang malalakas na lindol sa Mindanao, matitinding pag-ulan na nagdudulot ng baha at pagguho ng lupa, at mga sunog na sumisira sa mga tahanan at kabuhayan. Dahil dito, mahalagang maturuan ang mga menor-de-edad kung paano maging alerto at handa sa oras ng panganib.
Nakababahala na maraming kabataan ang mas nakatuon sa paggamit ng cellphone o computer kaysa sa pag-aaral ng mga dapat gawin kapag may lindol, baha, o sunog. Marami ang abala sa social media at online games ngunit hindi alam kung saan lilikas o paano poprotektahan ang sarili kapag may sakuna.
Dapat kumilos ang mga magulang at paaralan upang maturuan ang mga kabataan ng wastong paghahanda sa emergency. Kailangang seryosohin ang mga earthquake at fire drill at hikayatin silang makinig sa mga babala ng mga otoridad. Mahalaga rin na malaman nila ang mga emergency hotline at mga ligtas na lugar sa kanilang komunidad.
Hindi masama ang paggamit ng cellphone, ngunit hindi ito dapat maging hadlang sa pagiging handa sa sakuna.
Sa panahon ng lindol, malalakas na pag-ulan, at sunog, mas kailangan ang kaalaman, disiplina, at pagiging alerto.



Comments