top of page

Kabanalan o kababawan

  • BULGAR
  • Jul 16, 2022
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 16, 2022


Dalawang "A" na banal na babae ang kinilala ng Simbahan noong Huwebes, ika-14 ng Hulyo at ngayong sabado, ika-16 ng Hulyo. Pista ni Santa Kateri Tekakwitha noong Huwebes at pista naman ng Mahal na Birhen ng Carmelo ngayong Sabado. Bakit dinadakila ng simbahan ang kabanalan ng mga santo? Ano ba ang ginawa ng mga santo o banal na tao upang bigyan ng mataas na karangalan ng simbahan?


Malaya ang taong pumili ng kanyang paniniwalaan, susundan at gagawin sa mundong ito. Walang tigil ang panliligaw sa tao ng iba’t ibang puwersa sa lipunan na pilit tayong inaalok ng bibilhin, sasambahin at susundin. Ilang taon na ring hindi kinakanta ang “Turistang Bilmoko.” Naalala pa siguro ninyo ang lyrics nito na inuulit-ulit ang ‘Bilmoko no’n, bilmoko niyan, ha?


Turista ang aking mahal na nobya Hilig niyang mamasyal sa Avenida Tinuturo ng lahat ng maibigan niya Bilmoko ang maririnig sa kanya Bilmoko nun, bilmoko niyan, ha?


Masakit sa ulo at sa bulsa noon ang magkaroon ng kaibigang turistang bilmoko. Ngunit mas masakit sa ulo at bulsa ngayon ang sinumang merong kaibigan, kamag-anak, asawa, anak, nobyo o nobya, atbp na bilmoko. Hindi mo na kailangang magpunta ng Avenida. Hindi mo na kailangang magpunta sa Bangko. Naririyan lang ang Shopee, Lazada, LalaMove at Grab. Naririyan din ang GCash. Magugulat ka na lang at naririyan na ang ipinabili ni kaibigan o kamag-anak na Bilmoko at pinaaalalahanan ka nang bayaran mula sa iyong GCash ang dumating na order. Ano ang nagpapasakit sa ulo, sa puso at bulsa? Hindi ang pamimili ng anumang kailangang bilhin kundi ang paraan ng pagbili na napakadali at napakabilis gawin sa pamamagitan ng online shopping apps at online payment apps. Kung problema noong araw ang “shoppaholism” o ang adiksyon sa pamimili o pagsa-shopping higit na problema ito ngayon dahil sa dali at bilis na gawin ito. Ito ang kababawang dulot ng tinatawag na “digital culture.” Sa sobrang bilis at dali na gawin ang maraming bagay, hindi na halos nag-iisip ang marami kung kailangan o nakakatulong talaga ang ipinabibili.


Hindi mababaw ang mga banal. Hindi nila hinahanap ang madali at mabilis. Marahan at malalim ang takbo ng kanilang buhay. Bunga ito ng kanilang ugali ng palaging paghahanap sa Panginoong Diyos na naglalayo sa kanila sa anumang kababawang dulot ng “Bilmokong Mondo.” Ganon si Santa Kateri na laging nagpupunta sa kagubatan upang hanapin ang katahimikan na napakahalaga sa paghahanap sa Diyos. Maalala din natin ang napaka-gandang panalangin ni Santa Teres:


Nada te turbe, nada te espante Quien a Dios tiene, nada le falta Nada te turbe, nada te espante Solo Dios basta


Huwag mabalisa Huwag mabahala Lahat naglalaho Diyos di nawawala.

Nakukuha sa tiyaga Lahat nakakamtan.


Ang may hawak sa Diyos Siyang di kinukulang Ito’y sapat na: Diyos lamang.

(Salin ni Eduardo Clasanz)


Maging sa katahimikan ng kagubatan hanggang sa katahimikan ng kumbento o sa katahimikan ng pusong natagpuan na ang Diyos, wala nang kapangyarihang manggulo o umakit ang bilmokong mundo. Ito ang mundo ni Santa Kateri Tekatwita (unang Santa ng mga American Indians) at Santa Teresa ng Avila.


Ibang-iba ang kasalukuyang mundo. Ibang-iba ang mundo at kapaligiran sa 'Pinas ngayon. Noong isang linggo kumalat ang kagulat-gulat na pahayag ng artista na nagsabing, “History is Tsismis.” Sa mga nakaraang araw nagpakawala naman ng patama ang nanay ng artista laban sa abogadang nagpasaring tungkol sa anak nito. Tinawag ng artistang nanay ang abogada na “Tsismosang Marites.” At mabilis namang sumakay ang social media na naghikayat sa lahat na abangan ang patuloy na “Bardagulan” ng mga nabanggit na kababaihan.


Paingay nang paingay ang himpapawid ng balitang totoo o hindi, mahalaga o mababaw na napaka bilis at napaka-daling palaganapin ng Social Media na matalik na bahagi ng Bagong Teknolohiya.


Kaya ba nating mamili? Ingay o katahimikan? Kabanalan o kababawan?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page