JENNICA, UMAMING NAG-SHOWBIZ LANG PARA SA PERA
- BULGAR
- Nov 2, 2023
- 4 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 2, 2023

‘Kaaliw ang panayam ni Luis Manzano kay Jennica Garcia na nakasama niya sa It’s Your Lucky Day dahil napaka-transparent ng aktres at hindi siya nahihiyang magsabi kung ano ang estado nilang mag-iina sa buhay na mag-isa niyang itinataguyod ang dalawang anak na babae.
Sa vlog ni Luis na in-upload kagabi ay maraming nalaman ang TV host, na Hunyo pa pala siya inimbitahan pero hindi na sumagot si Jennica at ngayong Oktubre lang natuloy ang interview.
“Ha, ha, ha! Sinusubukan po talaga kitang takasan, Kuya, kasi kinakabahan talaga ako,” panimula ng anak ni Jean Garcia.
“Wala kang choice ngayon (magpa-interview) kasi nasa iisang show tayo (It’s Your Lucky Day), ha, ha, ha!” tumawang sabi ni Luis.
Pinuri muna ng daddy ni Baby Peanut ang aktres sa maganda nitong performance sa seryeng Dirty Linen, na ayon kay Jennica ay hiningi raw niya sa Dreamscape head na si Deo T. Endrinal ang project kahit hindi pa niya alam kung ano ito.
“Hindi ko pa alam kung ano ‘yung project. Bale nagtanong lang po ako kay Sir Deo na baka kailangan po niya ng aktor po (for) support or extra po. Ganu’n po ang pagkatanong ko sa kanya at hindi ko pa po alam na Dirty Linen po ‘yung niluluto nu’ng time na ‘yun,” kuwento ni Jennica.
At isa sa mga pangarap ng aktres ay muling makasama ang inang si Jean pero mukhang hindi raw mangyayari dahil magkaiba sila ng TV network, nasa GMA-7 ang mama niya.
“Sobrang tagal na po nu’ng huli ko siyang makasama, I was 18 that time plus hindi po ako ganu’n ka-passionate as an actor. ‘Yung pag-aartista kasi, Kuya, ginawa ko lang nu’ng nalaman ko ang suweldo,” tumawang sabi ni Jennica.
Natawa rin si Luis at sumang-ayon din naman siya sa sinabi ng kaharap, “Totoo!”
Sa pagpapatuloy ni Jennica, “Pagka-graduate ko po kasi ng high school, gusto ko sana mag-Nursing, pero ayaw ni Mama. Sabi niya, ‘Anak, kasi mababa ang suweldo ng nurse.’”
Umayon din si Luis, “Unfortunately, kailangan mong lumipad pa (mangibang-bansa) para (makatanggap ng malaking suweldo).”
“At ayaw din ni Mama ‘yung idea na lilipad ako,” sambit ni Jennica.
At dahil sa Dirty Linen ay nanatili sa bansa ang aktres.
“Kung wala ‘yung Dirty Linen, Kuya, magke-caregiver dapat ako sa LA (Los Angeles). Naayos ko na po ‘yung papers ko, may relatives po kasi kami ru’n. Doon dapat ako magtatrabaho, sobrang lungkot ni Mama.
“Tapos, nasabi po ni Mama na may offer ako, mag-artista ako, tinatawanan ko lang, Kuya, kasi hindi ko talaga ma-imagine na puwede akong mag-artista. Pero nu’ng sinabi ni Mama ang suweldo, ah, puwede ko i-try.
“Pero ‘yung passion, feeling ko po, na-ignite ko nu’ng nahiwalay ako sa asawa ko. Nahanapan ko ng deeper meaning ‘yung pag-aartista. Nandoon ‘yung na-appreciate ko na sobra ‘yung boses ko kasi siyempre, sila ‘yung nagbibigay ng pagkain sa mesa namin,” pag-amin ng aktres.
Nagpatawa si Luis, “Hinahatid nila (ang pagkain) sa bahay n’yo?”
Naloka si Jennica, “Kuya (naman), okay na ako, kinakabahan na naman ako!”
Dugtong nito, “Ang ibig ko pong sabihin, nagpo-provide ng suweldo na pambili ng food. Iba rin talaga ang drive ‘pag may anak ka kasi like for example, ‘pag may endorsement, it’s bigger money, hindi ko ma-feel na ang yaman ko na. Siguro before (dalaga pa siya), pero dahil may future akong sine-secure, gusto kong mapagtapos ‘yung mga anak ko until college, gusto ko silang bigyan ng tig-isang bahay, ganu’n ba, Kuya. May iba na kaagad pupuntahan (kinita).”
At nabanggit din ni Jennica na naiiyak siya kapag nasa lock-in shoot siya dahil naka-aircon siya samantalang ang mga anak niya ay naka-electric fan lang.
“Hindi ko kasi sila kasama, two weeks-two weeks po ‘yun. Dati, hindi ko naman hinahanap-hanap na ‘yung aircon, pero nu’ng natikman ko na ulit ang ginhawa kasi na-experience ko na ulit ang aircon (sa taping), doon ko naisip ang mga anak ko na napapawisan,” balik-alaala ni Jennica.
Kaya nang magkapera siya ay bumili siya ng aircon at ngayon ay nakabili na rin siya ng makapal na kutson na higaan nilang mag-iina.
“Makapal-kapal po na medyo mahal. Dati po kasi, naglalatag lang kami, tapos medyo manipis lang ‘yung kutson. Pero ngayon, Kuya, king size na, dati kasi, double lang. Ngayon, kahit mag-ikut-ikot (muwestra) kami, kasya na talaga, Kuya, kaya ang saya po. Next ko po (bibilhin), ‘yung bed frame.
“At doon po nag-umpisa ‘yung healing ko na nararamdaman ko na kaya ko pala na kami (mag-iina lang),” masayang kuwento ni Jennica.
At dito rin nabanggit ng aktres na nagulat siya sa panganay niya dahil biglang naging mature sa edad na 8 na dati ay makukulit at maiingay sila ng bunsong kapatid nito, pero simula nang magtrabaho siya at nakikitang pagod siya ay hinahayaan na siyang matulog.
Dito pinuri ni Luis ang mga anak ni Jennica na naglalarawan kung gaano kasimple ang buhay nila na itinuro ng aktres at hindi nawawala ang pagmamahal sa bawat isa.
“Sobrang grateful po talaga ako kay Lord at hindi ko rin alam kung bakit sila ganu’n (kadisiplina at mabait) po,” saad ni Jennica.
Samantala, hindi lang sa pagiging ina napuri ni Luis si Jennica kundi sa pagiging co-host nito sa It’s Your Lucky Day.
“Para sa akin, you’re a very refreshing sight on TV. Bihira kasi ‘yung ganyang persona, bihira ‘yung ganyang kabaitan. I wish the best for you and I’m glad I met you at malayo pa ang mararating mo,” say ni Luis kay Jennica.
Comments