Jeepney drivers at operators, 'di mayaman kaya 'di afford ang milyong halaga ng e-jeep
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | March 2, 2023
SEN. IMEE, WALANG SINASANTO SA PAGKA-TAKLESA DAHIL PATI IN-LAWS NI P-BBM NA SANGKOT SA AGRI-SMUGGLING AY GUSTONG IPAKULONG—Sa isang radio interview, matapos sabihin ni presidential sister Sen. Imee Marcos na masyadong mabait si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa mga agricultural smuggler, tahasang sinabi ng senadora na ikinagulat rin niya ang napabalita na ang ‘in-laws’ ni P-BBM ay sangkot sa agricultural smuggling sa bansa. Ayon pa kay Sen. Imee, dapat ituloy ang imbestigasyon, walang kamag-anak, walang kinikilingan at lahat ng sangkot sa smuggling ay kasuhan agad para makulong.
Sa totoo lang, ang daming humahanga sa pagiging taklesa ni Sen. Imee kasi nga, hindi lang utol niyang presidente ang tinatamaan kundi pati mga in-laws ay sapol. Boom!
◘◘◘
HALOS 1 BUWAN NA SA PUWESTO SI CUSTOMS COMM. RUBIO, PERO WALA PA RIN SIYANG NAHUHULING AGRI-SMUGGLER—Halos isang buwan na rin sa puwesto si Customs Commissioner Bienvenido Rubio, pero hanggang ngayon ay wala pa siyang ipinahuhuling agri-smuggler na nagpapahirap sa mamamayang Pinoy.
Kaya ang tanong, kailan gagawa ng aksyon at magpapakitang gilas si Comm. Rubio laban sa mga agri-smugglers ng bansa na sina ‘Leah Cruz,’ ‘Michael Yang,’ ‘David Bangayan,’ ‘Paul Teves,’ ‘Manuel Tan,’ ‘Andrew Chang,’ ‘Jun Diamante,’ ‘Lujene Ang,’ ‘Beverly Peres,’ ‘Lucio Lim’ alyas ‘Aaron’ at ‘Michael Ma’ na may koneksyon kay Martin Araneta na utol ni First Lady Liza Araneta-Marcos? Abangan!
◘◘◘
MAY PUNTO NA MAGTIGIL-PASADA ANG MGA TSUPER AT OPERATOR NG JEEP DAHIL TATANGGALAN NA SILA NG HANAPBUHAY PAGSAPIT NG HULYO 1—Nagbanta ng isang linggong tigil-pasada mula Marso 6 hanggang Marso 12, 2023 ang mga tsuper ng traditional jeepney sa buong bansa bilang pagprotesta sa nais ng Marcos administration na pagsapit ng Hulyo 1, 2023 ay dapat tanggalan na ng prangkisa at huwag nang payagang bumiyahe sa kalsada ang mga traditional jeepneys.
May punto ang mga tsuper na magprotesta dahil sa totoo lang, hindi talaga katanggap-tanggap ang naisin ng pamahalaan na alisan sila ng prangkisa at pagbawalang mamasada pagsapit ng Hulyo 1 dahil kapag hindi nila tinutulan ito at banned na silang maghanapbuhay sa kalsada, tiyak na gutom ang aabutin ng kanilang mga pamilya, period!
◘◘◘
DRIVERS AT OPERATORS NA KARAMPOT ANG KINIKITA, SINABIHAN NG DOTr SEC. NA BUMILI NG MODERN JEEP NA MILYON-MILYON ANG HALAGA –Parang nakakaloko kung magsalita si Sec. Jaime Bautista ng Department of Transportation (DOTr) dahil hindi naman kalakihan ang kinikita sa pamamasada ng mga jeepney drivers at operators, at halos kapusin pa ang pambili ng pagkain para sa kanilang pamilya dahil sa sobrang mahal ng presyo ng mga bilihin, eh mantakin n’yong sasabihan pa niyang bumili na ng modern electric jeep ang mga ito, na ang presyo ay pumapalo sa halagang P2.2 million hanggang P2.4 million bawat isa.
Dapat isalpak ni Sec. Bautista sa kanyang kukute na ang mga jeepney drivers at operators ay hindi mga rich na tulad niya. Maliit lang ang kinikita ng mga ito sa pamamasada tapos sasabihan pang bumili ng mga e-jeep na milyun-milyong piso ang halaga per unit. Tsk!





Comments