top of page
Search
BULGAR

Japan tinapos na ang U.S. ready na sa Poland Q'finals

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 25, 2024



Sports News

Binigo ng mainit na Japan ang Estados Unidos sa pagtatapos ng matagumpay na 2024 FIVB Men’s Nations Volleyball League (VNL) Linggo ng gabi sa umaapaw at maingay na MOA Arena. 


Maagang tinapos ng mga Hapon ang mga Amerikano – 25-20, 25-23 at 25-19 – at selyuhan ang kanilang tiket patungong quarterfinals ngayong linggo sa Poland. 


Kailangan ng mga Amerikano ang panalo upang posibleng makasingit bilang pang-8 at huling q'finalist subalit iba ang nakatadhana. Tatlong magkasunod na alas ang ipinasok ng Japan sa pangatlong set at walang nakapigil na makuha nila ang ika-9 na panalo sa 12 laro at pang-4 na puwesto. 


Nanguna sa Japan sina Kento Miyaura na may 18 at Masato Kai na may 17 puntos sa gitna ng limitadong oras para sa kanilang mga bituin. Bumagsak ang mga Amerikano sa 5-7 at naputol ang kanilang magkasunod na medalyang pilak noong 2023 at 2022. 


Tinapos ng Slovenia ang elimination round na solong numero uno sa kartadang 11-1 at pangalawa ang defending champion Poland na 10-2. Tabla ang Italya at Japan sa 9-3 pero hawak ng mga Italyano ang tiebreaker habang ang iba pang pasok sa quarterfinals ay ang Canada (8-4), Pransiya (8-4), Brazil (6-6) at Argentina (6-6). 


Magtatapat sa mga knockout simula Hunyo 27 ang Slovenia-Argentina, Poland-Brazil, Italya-Pransiya at Japan-Canada. Ang semis ay sa Hunyo 29 at ang kampeonato ay sa Hunyo 30. 


Samantala, susubukan ng Alas Pilipinas na makalahok sa 2025 Women’s VNL sa pagsabak nila sa 2024 FIVB Challenger Cup ngayong Hulyo 4 hanggang 7 sa Ninoy Aquino Stadium. Paglalabanan ng mga Pinay at bisitang Vietnam, Czech Republic, Argentina, Belgium, Sweden, Puerto Rico at Kenya ang nag-iisang upuan na nakareserba para sa kampeon. 

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page