top of page

Japan pinakapos ang Gilas Women sa WJC

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 9, 2024
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 9, 2024



Sports News

Laro ngayong Martes – Xinzhuang Gym

3 p.m. Thailand vs. Pilipinas 


Kinapos ang huling hirit ng Gilas Pilipinas at nakatakas ang Japan Universiade, 85-83, sa pangatlong araw ng 2024 William Jones Cup sa Xinzhuang Gymnasium ng New Taipei City. Nanatiling perpekto ang mga Haponesa na binubuo ng mga mag-aaral sa pamantasan sa kanilang pangatlong sunod na tagumpay.


Magiting na bumawi ang mga Pinay at binura ang 66-56 bentahe ng kalaban matapos ang tatlong quarter. Bumira ng tatlong three-points si Kate Castillo at sinuportahan ng beteranang si Afril Bernardino at ang baguhang si Naomi Panganiban subalit nagawang umiwas sa disgrasya ang Japan. 


Napagod din ang Gilas sa kahahabol sa buong laro at maganda ang simula ng Japan na tumalon sa 27-17 lamang sa unang quarter. Nanguna sa Japan sina Yumeha Fujisawa at Sato Takako na parehong may 13 puntos. Sumunod si Haruka Yamamoto na may 11 


Nasayang ang numero ni Bernardino na 21 puntos at 11 rebound at hindi napigilang lumagpak ang mga Pinay sa 1-2 panalo-talo. Nag-ambag ng 20 si Jack Danielle Animam. 


Susubukang bumangon muli ng Pilipinas sa pagharap sa Thailand ngayong araw simula 3:00 ng hapon. Kailangan ng mga Pinay ng higanteng milagro at agad tatanghaling kampeon ang may pinakamataas na kartada matapos ang limang laro. 


Sinimulan ng Gilas ang kanilang kampanya sa 60-73 talo sa host Chinese-Taipei White noong Sabado. Nagtala sila ng unang panalo laban sa Malaysia, 74-63, noong Linggo. 


Pagkatapos ng mga Thai, haharapin ng Pilipinas ang Chinese-Taipei Blue sa huling araw ng torneo sa Miyerkules. Hindi na nila hawak ang buong kapalaran at kailangang matalo ang Japan sa Thailand at Malaysia para mabuhayan ng pag-asa na maagaw ang kampeonato.  

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page