Japan pinakapos ang Gilas Women sa Jones Cup
- BULGAR

- Jul 7
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 7, 2025
Photo: Ang Gilas Pilipinas women kahit manaig ay malabo na sa medalya at lalaban na lamang sila sa ika-3 o ika-apat na puwesto. Tinalo ng mga Haponesa ang Gilas kahapon sa Taipei Peace Basketball Stadium sa Jones Cup. (Circulated image)
Laro ngayong Linggo – Taipei Peace
4 PM Pilipinas vs. Chinese-Taipei B (W)
Isang panalo na lang ang kailangan upang manatili ang William Jones Cup crown sa Japan. Tinalo ng mga Haponesa ang Gilas Pilipinas, 94-74, sa pangalawa sa huling araw ng torneo kahapon sa Taipei Peace Basketball Stadium.
Hawak ng mga Pinay ang 46-44 bentahe matapos ang dalawang quarter sa likod muli ng malakas na laro ni Jack Danielle Animam na nagtala agad ng 15 puntos. Mula roon ay kumilos ang Japan na nalimitahan ang Gilas sa 12 lang sa pangatlong quarter upang lumayo at hindi na lumingon, 66-58.
Nagtapos si Animam na may 21 at 16 rebound upang lalong tumibay ang pagiging numero uno ng torneo sa pagpitas ng bola. Sumuporta sina Naomi Panganiban na may 14, Louna Ouzar na may 11 at Sumayah Sugapong na may 10.
Balanse ang opensa ng Japan sa pangunguna ni Maika Miura na may 12 at sina Azusa Asahina, Suzuno Higuchi, Ufuoma Tanaka at Haru Owaki na may tig-11. Perpekto pa rin ang Japan sa 4-0.
Wawakasan ng Pilipinas ang kanilang kampanya laban sa Chinese-Taipei B na binubuo ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Kahit manaig ay malabong magawaran ang Gilas ng medalya subalit maaaring pantayan nila ang kartadang 2-3 at ika-apat na puwesto noong nakaraang taon.
Bago umalis ang Gilas papuntang Taiwan, naging bahagi si gwardiya Ella Fajardo ng pinakaunang Kingdom Elite Invitational Camp, isang espesyal na kampo na para lang sa kabataang kababaihan kasama ang MILO. Tinatayang 100 atleta ang lumahok kung saan hindi lang ang tamang paraan ng paglaro ang itinuro kundi pati mga aral sa buhay hango sa mga karanasan ni Fajardo sa loob at labas ng palaruan.










Comments