Japan, kusang-loob na tutulong para sa enerhiya ng ‘Pinas
- BULGAR
- Feb 12, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 12, 2023
Nangako ang pinakamalaking power producer ng Japan sa gobyerno ng Pilipinas ng isang matatag na suplay ng liquefied natural gas (LNG) upang suportahan ang paglago ng ekonomiya ng ating bansa.
Ito ang naging tugon ni Japan’s Energy for a New Era (JERA) Co. Inc. President Satoshi Onoda, matapos ang pagpupulong nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa official visit nito sa Japan, kasama ang mga opisyal ng gobyerno at pribadong sektor ng Pilipinas at mga executives ng naturang kumpanya.
Sa isang pahayag, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na binanggit sa pulong ni Onoda kay Marcos na nakikipagtulungan na ang JERA sa Aboitiz Group, kung saan naroon din sa meeting ang presidente at CEO na si Sabin Aboitiz, para masuportahan ang lumalagong ekonomiya ng Pilipinas.
Ang JERA ay ang pinakamalaking power generation company sa Japan na nakakapag-produce ng humigit-kumulang sa 30 porsyento ng kuryente sa naturang bansa.
Ayon kay Onoda, nagpo-procure rin sila ng mahigit sa 30 million tons ng LNG kada taon. Dahil dito, kaya nilang makapag-ambag sa Pilipinas ng suplay ng liquefied natural gas bilang transition fuel.
Aniya pa, ang JERA at Aboitiz group ay sinasanay na ang kanilang mga engineers para sa umuunlad na teknolohiya na magiging kapaki-pakinabang sa parehong bansa.
Malaking tulong sa mabilis na pag-angat ng ekonomiya ng ating bansa ang hakbanging ito ng Japan. Mas magiging matatag na ang kinakailangang suplay natin ng natural gas at kasiguraduhang may sapat na maibibigay na enerhiya sa bansa.
Hindi na tayo kakaba-kaba sa mga susunod na panahon na maaaring maubos o mawalan ng pagkukunan nito ang bansa dahil may nagkusang-loob na magbigay at tumulong para sa ating ekonomiya.
Patuloy pa sanang maging matatag ang pagsasamahan ng Pilipinas at Japan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co




Comments