top of page
Search
BULGAR

James at Clarkson ng Lakers at Jazz, bumida vs. Suns at MG

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 12, 2023



Umarangkada ang Los Angeles Lakers sa simula ng 4th quarter upang palubugin ang Phoenix Suns, 122-119 at buksan ang kanilang kampanya sa NBA Cup kahapon sa Footprint Center. Bumida rin si kabayan Jordan Clarkson sa 127-121 panalo ng Utah Jazz sa kulelat na Memphis Grizzlies.


Lamang ang Phoenix matapos ang tatlong quarter, 96-89 at iyan ang hudyat para maitala ng Lakers ang unang 11 puntos ng huling quarter sa mga tres nina Cam Reddish at Rui Hachimura at agawin ang bentahe, 100-96. Mula roon ay inalagaan ang lamang sa nalalabing 9 na minuto salamat kay LeBron James na ginawa ang pito ng kanyang kabuuang 32 puntos at mas mahalaga ay putulin sa tatlo ang kanilang magkasunod na talo.


Gumawa ng tig-26 sina Clarkson at Lauri Markkanen at gaya ng Lakers ay tinapos ang kanilang sariling apat na sunod na talo. Dalawa sa tatlong panalo ng Jazz ngayong taon ay sa Grizzlies.


Ang isa pang tinalo ng Utah na LA Clippers ay binigo ng Dallas Mavericks, 144-126, sa likod ng 44 puntos ni Luka Doncic. Hindi pa rin nagwawagi ang Clippers sa lahat ng tatlong laro buhat nang lumipat sa kanila si dating MVP James Harden galing ng Philadelphia 76ers.


Sa ibang laro sa NBA Cup, wagi ang numero uno ng Eastern Conference Philadelphia sa Detroit Pistons, 114-106, sa 33 puntos at 16 rebound ni MVP Joel Embiid. Hindi nalalayo sa 76ers ang Boston Celtics na 121-107 tagumpay sa Brooklyn Nets kung saan nagbagsak ng 28 si Jaylen Brown.


Ang mga laro tuwing Sabado at Miyerkules (petsa sa Pilipinas) ay nakalaan para sa NBA Cup. Magkokorona ng una nitong kampeon sa Disyembre na may gantimpalang $500,000 (P27.96M).

0 comments

ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page