top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Jack of Clubs kuminang sa Condition Race

BULGAR
Mar 28, 2022
1 min read

ni Green Lantern - @Renda at Latigo | March 28, 2022


Humanga ang mga karerista kay Jack Of Clubs matapos angkinin ang panalo sa Condition Race (23) noong Sabado sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.


Sinakyan ni MD De Jesus, pumuwesto sa bandang likuran si Jack Of Clubs upang magreserba ng lakas at hayaang mag-ubusan ng lakas ang matutulin sa largahan na sina Batang Heroes at Santiago's Pride.


Bandang kalagitnaan ng labanan ay lumamang ng dalawang kabayo sa unahan si Batang Heroes, segundo at tersero sina Santiago's Pride at Sir Jason subalit lumalapit na sa kanila si Jack Of Clubs.


Pagsungaw ng rektahan ay nagkapanabayan sa unahan sina Batang heroes, Jack Of Clubs, Hannah Rosa at Sir Jason.


Pero sa huling 75 metro ng karera ay naagaw na ni Jack Of Clubs at manalo pa ito ng may isang kabayong agwat sa sumegundong si Hannah Rosa. "Ang husay ni Jack Of Clubs, kalmadong-kalmado habang rumeremate, may ilalabas pa siyang galing basta maganda ensayo niya," saad ni Carlito Mendez, veteran karerista.


Terserong dumating sa meta si Batang Heroes habang pumang-apat si Sir Jason sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). Nagpakitang-gilas naman si Princess Isabelle sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa pangatlong karera sa nasabing araw ng karera.


Sinakyan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Hernandez, nakapagtala ng impresibong tiyempo si Princess Isabelle na 1:27.2 sa 1,400 meter race.


Hinamig ng winning horse owner ang karagdagang P5,000 premyo sa pagkakapanalo ni Princess Isabelle, pumangalawa si Shinshiro habang terserong tumawid sa meta si Great Joeling.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page