top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Iwasang magkasakit, mag-ingat ngayong Kapaskuhan

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 9, 2023
4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 9, 2023


Flu season ngayon kaya mag-ingat tayo. Sa ulat ng Department of Health ay tumaas ang bilang ng Influenza-Like Illness o ILI sa buong bansa mula January 1 hanggang October 14, 2023 at nakapagtala ng 158,307 cases. Mas mataas ito ng 46% kumpara sa katulad na panahon noong 2022.

Bilang chair ng Senate Committee on Health, ipinaaalala ko sa lahat na mag-ingat at pangalagaan ang kalusugan lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan. Huwag nating kalimutan na tayo ay may kakayahan na mapanatiling maayos ang kalusugan ng bawat isa, at sa pag-iingat natin, masisiguro natin ang kaligtasan ng ating komunidad.


Sa ginanap na pagdinig ng Commission on Appointments para sa ad interim appointment ni Department of Health Secretary Ted Herbosa noong December 5 na aking pinamunuan bilang chair ng Committee on Health ng naturang komisyon, pinaalalahanan natin ang DOH sa kanilang mandato na proteksyunan ang kalusugan ng bawat Pilipino at maglatag ng mga patakaran na dapat sundin para maiwasan ang pagkalat ng sakit.


Sa parte ko, lagi kong sinasabi mula nang nagka-pandemya na huwag tayong maging kumpiyansa dahil laging may banta ng sakit sa ating paligid. Kung hindi po sagabal, magsuot pa rin tayo ng face mask, dahil kung nagawa natin iyon sa loob ng dalawang taon, ngayon pa ba na hindi na naman ito mandatory.


Importante rin na maging malinis tayo sa ating katawan at ugaliin ang paghuhugas ng kamay. Sa ating naging karanasan, natuto na tayo at nagkaroon ng disiplina para makaiwas sa mga sakit.


At kung makakaramdam kayo na mayroon kayong sakit, magpakonsulta na agad sa doktor. Naririyan din ang mga Super Health Center na ating isinulong kasama ang mga kapwa ko mambabatas, DOH at LGUs para sa early disease detection sa komunidad. Sa mga itinayo nang Super Health Centers, nakita natin kung gaano kalaki ang naitutulong nito lalo na sa rural areas sa paglalapit ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan at pagkonsulta sa ating mga kababayan. Mahigit 600 Super Health Centers ang napondohan mula 2022 hanggang ngayong taon para mailapit ang serbisyo medikal sa inyong mga lugar.


Huwag din kayong mag-alinlangan na humingi ng tulong kung kailangan ng pampagamot dahil matutulungan naman kayo ng mga Malasakit Centers pagdating sa inyong hospital bills. Batas na ito na aking pangunahing iniakda at ini-sponsor sa Senado noon para maging mabilis, maayos at maaasahan ang pagkuha ng medical assistance. Mayroon nang 159 Malasakit Centers sa buong Pilipinas at humigit-kumulang sampung milyong pasyente na ang natulungan nito, ayon sa DOH.


Sadyang isinulong at itinaguyod natin ang mga programang ito para maihatid sa inyo ang de-kalidad at abot-kaya na serbisyong medikal, lalung-lalo na sa mga mahihirap nating kababayan, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.


Hindi naman tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo sa iba’t ibang sektor sa buong bansa sa abot ng aking makakaya bilang inyong lingkod.


Dumalo tayo sa ginanap na national assembly ng Philippine Councilors League noong December 6 sa World Trade Center, Pasay City. Kahapon, December 8, naging panauhin din tayo sa year-end celebration at thanksgiving ng mga governors sa League of Provinces of the Philippines na ginanap sa EDSA Shangri-La Hotel, Mandaluyong City, sa paanyaya ng kanilang national president na si Gov. Reynaldo Tamayo Jr. Magkakaiba man ang aming posisyon sa gobyerno, ipinaalala ko na iisa naman ang aming hangarin na makapagserbisyo sa kapwa.


Personal naman tayong bumisita sa Pamplona, Cagayan noong December 7, para maghatid ng tulong sa 961 pamilyang nasalanta ng Typhoon Egay mula sa mga bayan ng Pamplona, Sta. Praxedes, Sanchez Mira, at Claveria, na hanggang ngayon ay apektado pa rin ang kabuhayan, katuwang sina Mayor Digna Puzon-Antonio, Mayor Esterlina Aguinaldo, at Mayor Abraham Bagasin. Bukod sa tulong na aming ibinigay, naging benepisyaryo rin sila ng emergency housing assistance program mula NHA upang makabili ng pako, yero at iba pang materyales na pampaayos ng kanilang bahay.

Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa para maghatid ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis.


Namahagi tayo ng tulong sa mga naging biktima ng sunog gaya ng 192 residente ng Palimbang, Sultan Kudarat; at 30 miyembro ng iba’t ibang sektor sa Koronadal City, South Cotabato, bukod sa programa mula sa NHA na pambili ng materyales na pampaayos ng bahay, na ating isinulong at patuloy na sinusuportahan.


Nabigyan ng tulong ang isang biktima ng insidente ng sunog sa Midsayap, North Cotabato, at ang 54 pamilya sa Brgy. BF Homes, Parañaque City. Nakapag-abot din ng pamaskong handog sa ilang residente ng Quezon City katuwang ang tanggapan ni Councilor Mikey Belmonte.


Natulungan din ang mga nawalan ng hanapbuhay gaya ng 484 sa Labason, Zamboanga del Norte katuwang sina Mayor Jed Quimbo at Vice Mayor Tony Go; 472 sa Merida, Leyte katuwang si Mayor Rolando Villasencio; 194 sa Mabini, Trinidad at Valencia sa Bohol katuwang si Vice Governor Dionisio Victor Balite. Namahagi rin tayo ng katulad na tulong sa Negros Occidental at napagkalooban ang 191 sa Don Salvador Benedicto; 189 sa Pontevedra at 89 sa Bago City katuwang si Vice Governor Jeffrey Ferrer.


Naayudahan din ang 412 maliliit na negosyante ng Brgy. 91, Pritil Market sa Maynila.


Nakatanggap din ang mga ito ng negosyo kits mula DTI.


Katuwang si Cong. GP Padiernos, natulungan din namin ang 1,000 mahihirap na residente ng Rizal, Nueva Ecija, bukod sa natanggap nilang ayuda mula gobyerno.


Namahagi rin tayo ng dagdag na tulong sa mga miyembro ng iba’t ibang sektor kabilang ang 100 sa Tantangan, South Cotabato katuwang si Mayor Timee Joy Gonzales; 51 sa M’Lang at 49 Midsayap, mga lugar sa North Cotabato, katuwang si Board Member Shirlyn Macasarte. Nagkaloob din ang national government ng tulong pangkabuhayan sa mga ito.


Namigay din tayo ng dagdag suporta sa TESDA graduates gaya ng 80 sa Cabuyao City, Laguna; at 400 sa Kabankalan City, Negros Occidental.


Ipagpapatuloy natin ang pag-i-invest sa ating healthcare system. Hindi natin alam kung ano pang krisis tulad ng COVID-19 pandemic ang darating sa ating buhay. Mas masayang ipagdiwang ang holiday season kung ligtas tayo sa mga sakit at malusog ang pangangatawan. Tandaan natin na ang maayos na kalusugan ay kat umbas ng mas ligtas at masaganang buhay para sa bawat Pilipino sa ating komunidad.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page