Iwas COVID: Boxing at MMA fights limitado sa 5 laban
- BULGAR

- Jul 13, 2020
- 3 min read
ni Gerard Arce - @Sports | July 13, 2020

Lilimitahan lang sa limang laban ang papayagan sa mga gaganaping professional boxing at Mixed Martial Arts events sakaling payagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) na maiangat ang pagbabawal ng mga ito sa bansa.
Inihayag ni Games and Amusement Board (GAB) chairman Abraham “Baham” Mitra na papayagan lamang ng IATF ang 10 katao na lumaban para sa boxing at MMA, habang inaasahang hindi na lalagpas pa ang bilang ng mga ito hangga’t hindi pa naibababa ang mga bagong klasipikasyon ng task force sa buong bansa.
Idinagdag niya na kasama ang professional boxing sa mga naunang inirekomenda nilang bigyan ng pagkakataon na magbukas sa gitna ng pananalasa ng coronavirus disease (Covid-19) pandemic kasama ang professional sports na Philippine Basketball Association (PBA) at Philippine Football League (PFL) para umano maipagpatuloy ng mga manlalaro nito ang kanilang pangkabuhayan; samantalang ang MMA ay maghihintay pa na aprubahan sa IATF.
“Hindi na dapat lalampas sa 10 laban, siguro mga lima na lang, kase kapag 10 laban, eh di 20 katao na agad yun, eh di ba ang usapan 10 tao lang sa isang venue,” wika ni Mitra sa TOPS:Usapang Sports, noong Huwebes ng umaga. “Of course pagkatapos ng dalawa alis na agad, sunod-sunod iyon hanggang matapos iyong 5 laban kasama yung mga trainers at managers nila. Kase kung mahigit sa 10 laban mahirap na yan baka magkaroon na ng transmission. In the end alam natin yung priority ng gobyerno, buhay muna bago ang hanapbuhay. Kailangan itulay mo yan kase nag-iingat ang gobyerno,” paliwanag nito.
Aniya, maaaring makapagsimula na ang sparring at laban ng boxing sa oras na ilagay sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang kanilang lugar. Subalit, niliwanag nitong hindi maaaring lumaban o dumayo ang mga taga-GCQ areas sa MGCQ areas, gayundin ang MGCQ patungong GCQ areas. Tanging ang parehong boxers lang na may parehong klasipikasyon ang maaring maglaban.
“You cannot fight in Manila na under ng GCQ kung galing ka ng MGCQ areas, or vice versa. No inter-zonal travel,” wika ng dating Palawan governor. “Uso naman ngayon yun eh, wala munang dayo-dayo, gaya ng nangyayari sa Thailand at Japan, sila-sila lang muna,” dagdag nito.
Daraan ang bawat manlalaro sa mahigpit na Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test or swab testing at health protocols, ganun din sa mga referees; sunod na ihihiwalay ang mga boxers sa isang pasilidad. Mayroon lamang tatlong hurado at dalawang media personnel sa loob ng venue na bakante sa mga manonood. Samantala, hiniling din Mitra na hindi na kailangang umabot pa sa 3 testing ang bawat manlalaro upang hindi gaanong malugi ang mga promoters.
“Sana sa isang lugar na lamang para ‘di na lumayo at iwasang magkahawahaan and also kahit huwag ng magpatest pagkatapos; so we can find a way para makatipid naman iyong promoters natin, medyo masakit din kase mawawalan ng audience,” wika ni Mitra.
Umaasa naman si Universal Reality Combat Championship (URCC) president Alvin Aguilar na mabibigyan na sila ng aprobasyon ng IATF upang mabigyan na ng pagkakataon ang mga MMA fighters na makalaban.
“We are still waiting for the new guidelines from the IATF and hoping na matuloy na kase malaking bagay na mawalan ng laban ang isang fighter ng isang taon,” pahayag ng 46-anyos promoter at martial arts enthusiast sa panayam ng Bulgar mula sa text messages.
Mayroon namang nakalatag na MMA event sa darating na Agosto 14 ang ONE Championship na pinamagatang A New Breed sa Mall of Asia Arena; ngunit sinabi ni Mitra na hiningan na nila ito ng safety protocols para isumite sa IATF.





Comments