Bagong silang na baby pinatay umano sa sakal ng sariling ina
- BULGAR

- Sep 25, 2021
- 1 min read
ni Jasmin Joy Evangelista | September 25, 2021

Isang bagong silang na sanggol ang natagpuang patay at nakalagay sa eco-bag sa loob ng cabinet ng isang bahay sa Capiz.
Ang hinihinalang pumatay sa sanggol, ang kaniyang sariling ina na itinago ang pagbubuntis.
Batay sa ulat, sinabing Setyembre 17 nang dalhin ng amo ang 21-anyos na suspek na itinago sa pangalang "Lyn."
Nagtatrabaho si Lyn bilang caregiver sa isang pamilya sa Roxas City, Capiz.
Ayon sa pulisya, dati na raw naghihinala ang amo na buntis si Lyn pero itinatanggi raw ito ng huli, hanggang noong Setyembre 17 ay dinala ng amo si Lyn sa klinika para ipa-pregnancy test at lumitaw nga na buntis ito.
Ngunit laking gulat ng doktor at amo nang mapag-alaman na walang sanggol sa sinapupunan nito.
Doon na napag-alaman na bago pa man madala sa klinika ang babae ay nakapanganak na ito.
Nakita naman ng ibang kasambahay ng amo ni Lyn ang eco-bag na nakalagay sa isang cabinet na mayroong laman na patay na sanggol na lalaki.
Sa ginawang pagsusuri sa bangkay ng sanggol, lumilitaw na sinakal o hindi ito nakahinga kaya namatay.
Posible rin daw na tinakpan ang bibig ng bata noong umiiyak kaya hindi nakahinga.
Dagdag pa ng pulisya, inilihim din ng babae sa mga magulang nito ang kanyang pagbubuntis.
Itinanggi naman ni Lyn na pinatay niya ang anak, at sinabing sadyang patay na ito nang isilang niya.
Naka-hospital arrest ang babae at mahaharap sa kasong infanticide.




Comments