Italya sakalam kontra Gilas
- BULGAR

- Aug 29, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 29, 2023

Hindi nakisama ang tadhana sa Gilas Pilipinas at lumasap ng mapait na 83-90 talo sa bisita Italya at masarahan ng pinto sa Round Two ng 2023 FIBA World Cup Martes ng gabi sa Araneta Coliseum. Nagtapos ang mga Pinoy sa ilalim ng Grupo A na walang panalo sa tatlong laro.

Bitbit ang layunin na magwagi ng 12 o higit na puntos, isang ganadong Gilas ang lumabas para sa first quarter at itinayo ang 23-20 bentahe sa likod nina Roger Pogoy, Dwight Ramos at Jordan Clarkson. Subalit nagising ang Italya at naagaw ang lamang sa halftime, 48-39, sa pagbida ni Simone Fontecchio na kakampi ni Clarkson sa Utah Jazz. Mula doon ay inalagaan ng Italya ang kanilang lamang na lumobo hanggang 80-62 sa dunk ni Nicolo Melli na may 6:55 sa orasan.
Nabuhayan ang Gilas at nagawang lumapit ng pito, 81-88, sa saksak ni Jamie Malonzo subalit na nabura ng mga free throw Alessandro Pajola at 32 segundo sa orasan. Nanguna sa Italya si Fontecchio na nagbagsak ng 18 at Giampaolo Ricci na may 14 puntos. Nagpaulan ng kabuuang 17 three-points ang Italya kumpara sa 10 lang ng Gilas. Hindi sumapat ang 23 puntos ni Clarkson. Tanging si Ramos ang kakamping may higit 10 na 14 puntos.
Ang Dominican Republic (3-0) at Italya (2-1) ang kakatawan sa Grupo A sa Round Two. Sasamahan ng Angola (1-2) ang Pilipinas (0-3) sa labanan para sa ika-17 hanggang ika-32 puwesto.
Haharapin sunod ng mga Pinoy ang mga ikatlo at ika-apat na koponan ng Grupo B sa Round Two ngayong Huwebes at Sabado. Kailangan din nila walisin ang mga ito upang mapanatili ang pag-asa na makapasok sa 2024 Paris Olympics bilang pinakamataas na bansang Asyano.








Comments