Israel, maglulunsad ng buong pwersang pag-atake sa Hezbollah
Ni Eli San Miguel @World News | Sep. 27, 2024

Photo: NBC News
Nangako si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na ipagpapatuloy nila ang buong pwersang pag-atake laban sa Hezbollah hanggang tumigil ito sa pagpapaputok ng mga rocket, na nagpapahiwatig ng pagtanggi sa mga pagsisikap para sa tigil-putukan mula sa mga opisyal ng United States at Europe.
Nagsalita si Netanyahu sa New York sa U.N. General Assembly habang itinutulak ng mga opisyal ang isang 21-araw na tigil-putukan upang bigyang-daan ang diplomasiya at maiwasan ang mas matinding labanan.
"We are continuing to strike Hezbollah with full force. And we will not stop until we reach all our goals, chief among them the return of the residents of the north securely to their homes,” pahayag ni Netanyahu.
Isang pag-atake ng Israel sa Beirut ang pumatay sa isang mataas na pinuno ng Hezbollah, at naglunsad naman ng mga rocket ang grupo papunta sa Israel, dahilan upang lumikas ang libu-libong tao malapit sa border.
Halos 700 katao ang napatay sa Lebanon ngayong linggo habang pinaigting ng Israel ang pag-atake, na tinatarget ang Hezbollah.
Tinamaan ng Israel ang 75 lugar sa timog at silangang Lebanon nitong Huwebes.





Comments