Iskul, estudyante at titser, dapat ready bago magbalik-eskwela
ni Ryan Sison @Boses | August 8, 2023
Sinimulan na ng Department of Education (DepEd) kahapon ang enrollment para sa School Year 2023-2024.
Batay sa DepEd Order 22 na nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, ang enrollment para sa darating na academic year ay mula Agosto 7 hanggang 26, 2023.
Inaasahan umano ng DepEd na tataas ang enrollees ngayong taon mula sa 28.7 milyon hanggang 28.8 milyon.
Ang pagbubukas naman ng mga klase para sa School Year 2023-2024 sa lahat ng pampublikong paaralan ay sa Agosto 29.
Habang ang mga pribadong paaralan ay maaaring magpasya na magbukas ng klase anumang araw simula noong unang Lunes ng Hunyo, ngunit hindi maaaring lumampas sa huling araw ng Agosto.
Samantala, ang Christmas break ay magsisimula sa Disyembre 18, 2023 at magtatapos sa Enero 2, 2024. Magpapatuloy naman ang mga klase sa susunod na araw, Enero 3, 2024.
Sa totoo lang, may hangover pa ang mga guro at mag-aaral dahil kamakailan lamang natapos ang mga klase at hindi pa nakakapagpahinga o na-enjoy man lang ang kanilang bakasyon.
Ang ibang mga lugar o paaralan naman ay hindi pa nakakabangon mula sa pananalasa ng mga nagdaang mga bagyong at habagat, kaya hindi pa masasabing handa na sila sa muling pagbubukas ng klase.
Panawagan natin sa DepEd, sana isipin muna nila ang sitwasyon ng mga guro at mag-aaral dahil nakataya rin dito ang kanilang kalusugan, kung saan tumataas na naman ang mga kaso ng leptospirosis habang maraming lugar pa rin sa bansa ang lubog sa baha.
Pakiusap din natin sa kagawaran na sana pagaanin muna ang lagay at sitwasyon sa iba’t ibang lugar bago simulan talaga ang mga klase.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments