isinilang sa Year of the Rooster, ‘di showy pero maawain at madaling hingan ng saklolo
- BULGAR

- Sep 1, 2020
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | September 1, 2020
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Rooster o Tandang ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa taon ng Gintong Baka.
Kaya “Gintong Baka” ang 2021 ay dahil tiyak na muling makababangon ang mundo at walang duda, magiging masagana na ulit ang ekonomiya at pamumuhay ng bawat mamamayan sa lahat ng panig ng mundo, lalo na sa ating bansa.
Samantala, kung ikaw ay isinilang noong 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rooster o Tandang.
Dahil may optimistang pananaw sa buhay, anuman ang dumating na pagsubok tulad ngayong panahon ng pandemya, nananatiling nakatayo, lumalaban, matatag at masaya ang Tandang. Ang ikinaganda pa nito sa mentalidad ng Tandang, kahit gaano ka-kumplikado ang isang bagay o pangyayari, nagagawa niya itong gawing simple at nasosolusyunan niya ito sa praktikal at epektibong pamamaraan. Kaya naman kapag may kasama kang Tandang sa buhay, umasa kang anuman ang inyong maging probema, madali itong masosolusyunan ng matalino, kampante, pratikal at napakamapamaraan na Tandang.
Sa panahon ng mga pagsubok, hindi rin basta-basta nabibigo ang Tandang dahil para sa kanila, ang mga pagsubok na ito ay magandang hamon upang lalo pang tumalas at humusay ang kapasidad na mag-isip ng mga solusyon sa mga dumarating na problema. Kaya naman habang may mahirap na suliranin, lalong tumatalino at gumagaling ang Tandang. Sa kaiisip ng mga Tandang, lalo nilang napagaganda at napabubuti ang sitwasyon matapos nilang masolusynan ang kanilang problema, na nagiging daan upang lalong yumabong, lumago at umunlad, hindi lamang ang kanilang pagkatao kundi maging ang kanilang kabuhayan.
Ang problema lang sa Tandang, minsan ay kahit umunlad at lumago ang kanilang kabuhayan, kadalasan ay wala ring natitira sa kanila dahil sa loob ng kanilang puso ay sobra silang matulungin at maawain sa kanilang kapwa, kahit hindi nila ito ipinakikita nang harapan dahil para sa kanila, ang pagiging maawain ay tanda ng kahinaan. Ayaw na ayaw ng Tandang na makikita siya ng kanyang kapwa na siya ay mahina.
Ngunit sa kaibuturan ng kanilang puso, kahit hindi ipinakikita sa panlabas, maawain talaga sila, kaya naman madali mo silang mahihingan ng tulong kung kayong dalawa lang ang lihim na nag-uusap kaysa humingi ka ng tulong sa kanya in public.
Ang isa pang problema sa Tandang ay hindi siya gaanong magaling mag-ipon dahil alam nilang madali siyang makagagawa ng paraan para magkapera o muling dumami ang kanyang pera na nagagawa naman niya. Kaya lang, dahil hindi siya marunong mag-ipon, hindi tumotodo ang pag-unlad ng kanyang kabuhayan.
Gayunman, kung matutunan niyang mag-ipon at hindi niya gagastusin ang kanyang savings, sa kalagitanan ng kanyang edad, mayamang-mayaman na sana ang isang Tandang.
At dahil wala sa bokabularyo ng Tandang ang seryosong pag-iipon upang yumaman, ibang paraan naman ang ibinibigay sa kanila ng tadhana o kapalaran para siya ay yumaman. Halimbawa, isang magsasaka ang naghuhukay sa kanyang bukirin, tapos walang anu-ano, nakahukay siya ng isang banga ng punumpuno ng ginto. Minsan naman ay isang driver ang nakapulot ng bag na punumpuno ng pera sa minamaneho niyang sasakyan. May pangyayari ring tinulungan niya ang matandang babae na tumawid sa kalye o nabundol ng saskayan at matapos gumaling ng nasabing matandang babae, pinamanahan siya ng limpak-limpak na salapi at malaking kayamanan.
Tunay ngang hindi sa pag-iipon at hard work yumayaman ang tipikal na Tandang kundi sa mga biglaang suwerte. Dahil may likas na kabutihang nananahan sa kanilang puso, ginagantimpalaan naman siya ng nasa itaas ng biglaan at malalaking halaga ng magagandang kapalaran at bonggang-bonggang mga suwerte na hindi niya inaasahan.
Itutuloy






Comments