top of page
Search
  • BULGAR

Isinilang sa Year of the Monkey, kwela sa mga tropa pero malungkot ‘pag mag-isa

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 2, 2023



Sa pagkakataong ito, talakayin naman natin ang mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.


Ang Unggoy o Monkey ay silang mga isinilang noong taong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016, at 2028.


Ang Year of the Monkey o Unggoy ay pinaghaharian din ng impluwensya ng planetang Sun sa Western Astrology. Gayundin, ang Year of the Monkey ay kumakatawan sa zodiac sign na Leo.


Sinasabing higit na maharot at masayahin ang mga Unggoy na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init kung ikukumpara sa mga Unggoy na isinilang sa panahon ng tag-ulan o taglamig.


Isa sa mga pangunahing katangian ng Unggoy ay malakas ang loob, hindi natatakot na magbaging-baging nang paisa-isang kamay sa ugoy ng kapalaran at kahit minsan ay hindi nila inalala kung sila ay mahuhulog.


Ang pagiging malakas ng loob ang kadalasang nagtutulak sa isang Unggoy na sumubok ng mga bagay na mapanganib. Ngunit ang kahanga-hanga sa kanilang tadhana, gaanuman kalaki ang panganib ng isang sitwasyon na kanilang pinasukan, tiyak na sa dakong huli, sila ay ililigtas ng langit, kaya siguradong hindi sila mapapahamak.


Bukod sa mahilig sumuong sa mga panganib, nagpapasigla rin sa damdamin ng Unggoy ang pakikipagsapalaran. Tunay ngang minsan ay natatalo, subalit mas madalas siyang nananalo sa anumang uri ng sapalaran na kanilang sasalihan.


Dahil likas na masayahin at maliksing kumilos ang Unggoy, hindi sinasadyang nahahawahan niya ng kaharutan at kasiglahan ang mga taong nakapaligid sa kanila, kaya ‘yung mga tatamad-tamad, kapag nakasama ang isang Unggoy ay tiyak na sisipagin, susulak ang dugo at magiging maligaya.


Habang ang mga likas na malungkutin ay matututong ngumiti kahit paano at magiging maligaya sa piling ang kumikero at mapagbirong unggoy.


Mahusay ding magpatawa ang mga Unggoy at mag-entertain ng kanilang mga kasama. Kaya kapag may kaibigan kang Unggoy o may Unggoy sa isang umpukan, tiyak na hindi sila mababato dahil siya ang tiyak na magpapatawa at lilibang sa mga taong nakapaligid sa kanya.


Kaya ang pamilya na may Unggoy sa kanilang tahanan ay itinuturing na mapalad, dahil ang nasabing Unggoy na nagdadala ng saya at ligaya sa bawat miyembro ng mag-anak, ay siya ring aakit ng dagdag pang suwerte at magandang kapalaran sa buong pamilya.


Pangkaraniwan ding mabilis mag-isip at kumilos ang Unggoy, kaya kapag may problema ang pamilya, grupo o barkadahan na may kasaping Unggoy, madali nilang masosolusyunan ang kanilang suliranin sa pamamagitan ng mabilisang pormula o epektibong paraan na maiisip agad ng tuso at matalinong Unggoy.


Sa kabila ng katotohanan na ang Unggoy ay talaga namang masarap kasama, mapagpatawa at masayahin, ang hindi alam ng marami, sa kabila ng mga ito, siya pala ay may pusong mamon at may pagkamaramdamin.


Kaya masasabing ang tunay na larangan ng Unggoy ay nahahawig sa isang payasong mapagpatawa sa tanghalan ng buhay. Ngunit walang nakakabatid na sa kaibuturan ng kanilang pagkatao o puso ay may malalim na kalungkutan at lumbay silang nadarama.

Itutuloy


Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page