top of page
Search
  • BULGAR

Isinilang sa Year of the Horse, lalago ang investment at kabuhayan

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 20, 2021



Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Horse ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014 at 2026, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Horse o Kabayo.


Sinasabing sa taong ito ng 2021, ang mga dating plano ng isang Kabayo na hindi natupad noong 2020 dahil sa pandemya, ang kaibahan lamang ay kahit may pandemya pa sa kasalukuyan, umasa kang kumbaga sa bagong araw, unti-unti nang aaliwalas ang iyong buhay, kaya tulad ng nasabi na, lahat ng natigil mong pangarap at adhikain ay isa-isa at dahan-dahang mabibigyan ng katurapan ngayong 2021.


Kaya maraming mga suwerte at magagandang kapakinabangan ang inaasahang darating sa isang Kabayo sa buong taon, higit lalo sa aspetong materyal na bagay.


Asahan nang sa buwan ng Abril hanggang Hunyo, may malalaking ventures o proyekto ng pagkakakitaan ang awtomatikong lulutang, kung saan wala kang dapat gawin kundi ‘wag nang magdalawang-isip pa, sa halip ay sunggab lang dapat nang sunggab.


Nagbabadya rin ang taong ito ng tuloy-tuloy na paglago sa lahat ng aspeto at anyo ng iyong buhay. Kung ang mga dating investment mo ay hindi tumubo, sa taong ito ay tuloy-tuloy ang pag-angat ng income, lalo na sa mga investment na matagal natengga o hindi napakinabangan noong 2020. Ang ikinaganda pa nito, ngayong 2021, hinihikayat ka rin ng langit na magdagdag pa ng investment at sumugal sa mga biglaang suwerte at pakikipagsapalaran dahil tinataya na ang lahat ng ito ay magkakaroon ng positibong resulta.


Hindi lang sa negosyo, materyal na bagay at investment o pagkakakitaan gaganda nang husto ang taong ito para sa isang Kabayo. Sa halip, may pangako rin ng masarap at nakakikilig na romansa sa buong taong ito ng Metal Ox na may babala sa isang babae na biglaan kang mabuntis at kung ikaw naman ay isang lalaki, may babala na bigla kang makakabuntis. Kaya kung hindi pa handa sa pagpapamilya, hinay-hinay lang sa nakawiwiling pakikipagtalik sa minamahal.


Kaya kung ikaw ay isang Kabayo at naghahanap ng makakasuyo, tiyak na sa 2021 ay matatagpuan mo na siya. Sinasabing ang animal sign na matatalisod ng isang Kabayo sa taong ito ay maaaring isang Aso o Libra, kung saan ang pakikipagrelasyon ng Kabayo sa isang Aso o Libra ay tiyak na maging magiging masarap at mabunga. Kaya kung halimbawang ikaw ay isang binata o dalaga na Kabayo at nakatagpo ka ng isang Aso o Libra, ang masarap n’yong romansa ay maaaring tuluyan na ring mauwi sa isang panghabambuhay at maligayang pagpapamilya.


Kung ikaw naman ay may karelasyon o asawa na, tinatayang ang taong ito ay lalo pang magdudulot sa inyong relasyon ng mas romantiko at nakakikilig na pagniniig na magdudulot ng suwerte at bonus na ligaya. Kumbaga, habang magkasama kayo at nagmamahalan, lalo pang papalarin ang inyong relasyon. Kaya sa buwan ng Setyembre hanggang Disyembre, umasa kayo na mas marami pang biglaang suwerte at magagandang kapalaran ang bubuhos sa inyong karanasan.


Ito rin ang taon para sa mga mag-asawa na magdagdag ng investment o savings dahil inaasahang higit na magiging masagana ang buong taong ito ng 2021, kung ikukumpara sa noong 2020, lalo na sa mga bagay na may kaugnayan salapi at materyal na bagay.

Itutuloy

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page