top of page
Search
  • BULGAR

Isinilang sa Year of the Goat o Sheep, kaiinggitan ng mga pekeng kaibigan

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | February 25, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Kambing o Goat, na tinatawag ding Tupa o Sheep, ngayong Year of the Water Rabbit.

Ang Kambing o Goat, Tupa o Sheep ay silang mga isinilang noong taong 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015, at 2027.


Ngayong Year of the Water Rabbit, maraming surpresa at kakaibang suwerte ang magaganap at ipagkakaloob sa Kambing o Tupa. Sa iba’t ibang aspeto o larangan ng kanyang buhay, may sari-sari at marami siyang biyayang matatanggap.


Siya ay mabibiyayaan ng wagas at bonggang suwerte dahil ang Tupa o Kambing ay tugma sa umiiral na animal sign ngayong 2023.


Kabilang sa magagandang kapalaran na darating ay mga surpresang bagay na may kaugnayan sa love life at career. Kung wala ka pang karelasyon, ngayong 2023, magkakaroon ka ng kasintahan.


Kung matagal ka nang nag-a-apply sa abroad o may hinihintay kang mahalagang tawag or job opportunity, ngayon darating ito nang walang kahirap-hirap.


Bukod sa maraming magagandang oportunidad na darating, aangat ang kabuhayan ng Tupa o Kambing sa buong taon. Kumbaga sa magsasaka, magandang magtanim o mag-invest ang Tupa o Kambing dahil tiyak na siya ay aani nang sagana.


Ngayong Year of the Water Rabbit, maraming mga pagtitipon at iba’t ibang okasyon ang dadaluhan ng Tupa o Kambing, na magbibigay sa kanya ng kakaibang sigla at magagandang oportunidad ng pag-angat ng kabuhayan.


At dahil magkakaroon ng iba’t ibang suwerte at magagandang kapalaran ang Tupa o Kambing, siguradong siya ay muling kaiinggitan. Kaya ngayong 2023, dapat ding mag-ingat ang Tupa o Kambing sa mga intriga, ganundin sa mga nagkukunwaring kaibigan na may masamang binabalak sa kanya. Ibig sabihin, dapat maging matalino, mapagmatyag at hindi basta-basta magtiwala sa kung kani-kanino kahit pa kaibigan mo siya. Sa taong ito, maging maingat ka sa pagpili ng kakaibiganin at pagkakatiwalaan at tandaan mo na hindi ka maiiwasang mapagsamantalahan sa taglay mong kabaitan.


Kasabay ng pagyabong ng iyong career at pagdating ng mga suwerte, maraming bagong kakilala ang maaakit at didikit sa iyo. Kaya kung wala ka pang karelasyon, tulad ng nabanggit, maaari ka nang magkaroon ngayon. Subalit kung dati ka nang may karelasyon, mag-ingat ka dahil maaaring may madagdag o bagong karelasyon na palihim na darating.


Ang ikinaganda pa ngayong 2023, ang mga mithiin na hindi natupad noon, ngayong taon ay magkakaroon ng paisa-isang katuparan hanggang sa magkatotoo ang lahat ng magagandang bagay na noon mo pa pinapangarap.


Kaya lang, dahil maraming suwerte at magagandang kapalaran ang darating sa Tupa o Kambing, may babala na maging pabaya siya sa kanyang diskarte at kalusugan.


Ipinapayo na maging maingat ka sa kalusugan at anumang gagawing pagpapasya ay dapat ding marahan upang hindi ka magkamali ng desisyon, na maaaring maglagay sa iyo sa kapahamakan.


Sa pag-ibig, kung hindi magpapakahinhin, may babala rin ng hindi pinaghandaang pag-aasawa o pagkakaroon ng anak ngayong taon.


Sa pagpapamilya, sinasabi ring maganda at paborableng mabuntis ang Kambing o ang Tupa ngayong Year of the Water Rabbit upang ang sanggol na mabubuo ay isilang sa 2024, na suwerte dahil ito ay Year of the Dragon.


Tandaan ding sa buong 2023, sa lahat ng aspeto ng buhay, higit na magiging mapalad ang Tupa o Kambing mula sa ika-3 ng Hunyo hanggang sa ika-31 ng Hulyo at mula sa ika-5 ng Oktubre hanggang sa ika-28 ng Nobyembre.


Itutuloy


0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page