Isang panalo na lang sa SGA, kampeon na
- BULGAR
- Jul 21, 2024
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 21, 2024

Isang panalo na lang ang kailangan ng Strong Group Athletics upang mauwi ang 2024 William Jones Cup. Ipinakita ng koponang Pinoy ang kanilang kahandaan sa 96-70 demolisyon ng host Chinese-Taipei White Sabado ng gabi sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City para manatiling perpekto sa pitong laro.
Dahil dito, nakatakda na magtuos ang Athletics at isa pang host at walang talo Chinese-Taipei Blue para sa tropeo ngayong Linggo sa pinakahuling laro ng torneo simula 7 ng gabi. Ayon sa patakaran, ang koponan na may pinakamataas na kartada ay agad kokoronahan.
Unang quarter pa lang ay itinuloy ni DJ Fenner ang kanyang mahusay na laro laban sa Japan Under-22 noong Biyernes para pumatak ng pitong puntos at bumuo ng malupit na kombinasyon kasama ang kapwa gwardiya RJ Abarrientos na nagdagdag ng anim. Wala ding nakabigil sa pamamayagpag sa ilalim ni Chris McCullough na nag-ambag ng anim din patungo sa 30-15 bentahe at matalinong inalagaan ito.
Lalong lumobo ang agwat pagsapit ng halftime, 57-31, at lahat na ipinasok ni Coach Charles Tiu ay gumana sa pangunguna nina Keifer Ravena at Jordan Heading. Ipinahinga sa ikalawang sunod na araw sina Tajuan Agee (sakit), Rhenz Abando (kamay) at Ange Kouame (tuhod) at titingnan kung makakalaro sila sa kampeonato.
Halimaw si McCullough sa kanyang 25 puntos kahit hindi na siya ginamit sa huling quarter. Sumuporta si Ravena na may 14 at Abarrientos na may 13 habang 12 si Fenner at 11 si Heading.
Tinatapos ang tapatan ng Chinese-Taipei Blue at kulelat na Brisbane South Basketball League (BSBL) Guardians ng Australia kagabi. Kasalukuyang 6-0 ang Blue habang 1-5 ang Guardians.








Comments