top of page
Search
  • BULGAR

IQ ng Pinoy, pinakakulelat sa lahat ng ASEAN countries, aruy!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Abril 14, 2024



SA RAMI NG WARRANT OF ARREST NI QUIBOLOY, PUWEDE NA SIYANG IDEKLARANG MOST WANTED CRIMINAL SA MUNDO -- Matapos maglabas ng warrant of arrest ang Davao Regional Trial Court (RTC) laban kay Pastor Apollo Quiboloy kaugnay sa mga kasong child sexual abuse at child sex trafficking, ay naglabas na rin ng warrant of arrest ang Pasig City RTC tungkol naman sa kinasasangkutan niyang anti-trafficking in persons. Bukod pa r’yan ang warrant of arrest ng United States (US) court, kaugnay sa mga kasong sex trafficking of children, sex trafficking by force, fraud and coercion at bulk cash smuggling, idagdag na rin ang arrest order ng Senado at Kamara laban sa pastor.


Sa rami ng kaso ni Quiboloy ay puwede na siyang ideklarang “most wanted criminal sa mundo,” boom!


◘◘◘


AYON SA WORLD POPULATION REVIEW, ANG DAMING BOBO SA ‘PINAS -- Sa inilabas na data ng World Population Review patungkol sa “2024 Smartest Countries in ASEAN by Intelligence Quotient (IQ) o antas ng katalinuhan ng mamamayan sa bawat bansa sa ASEAN, ito ang ranking, 1- Singapore, 2- Vietnam, 3- Malaysia, 4- Thailand, 5- Cambodia, 6- Brunei, 7- Laos, 8- Indonesia. 9- Myanmar, at ang number 10 o pinakakulelat ay ang Philippines.


Siguro, ang pinagbasehan ng World Population Review, kaya ipinakikita nito sa mundo na mahina ang IQ ng majority Pinoy ay dahil paulit-ulit na ibinoboto at iniluluklok sa poder ng mga bobotanteng Pinoy ang mga kurakot na pulitiko sa ‘Pinas, period!


◘◘◘


MGA BOBOTANTE GUSTUNG-GUSTO ANG PINAGNANAKAWAN SILA NG MGA CORRUPT POLITICIANS -- Linawin lang natin, hindi lahat ng mga Pinoy ay bobo sa pagboto, kasi may mga matatalino rin sa pagboto at sila iyong minority Pinoy.


Ang minority Pinoy voters, ang ibinoboto ay iyong alam nilang walang bahid ng corruption at may track record ng pagiging mabuting tao. Kaya lang lagi silang bigo, talo ang ibinoboto nila dahil mas nananaig ang boto ng majority bobotanteng Pinoy, kaya karamihan sa mga nauupo sa poder ay iyong may mga record ng pangungurakot sa kaban ng bayan.


Ewan ba rito sa mga bobotanteng Pinoy, parang gustung-gusto nila na iyong ibinabayad nilang buwis sa gobyerno ay ninanakaw ng mga corrupt politicians, boom!


◘◘◘


ILANG ALKALDE, WALANG PUSO SA MGA POBRENG VENDORS, KASI PATI PANINDA PINAKUKUMPISKA -- Nag-viral sa social media ang ilang insidente ng pagkumpiska ng mga Anti-Hawkers sa mga kariton at mga paninda ng mga pobreng vendor na ilegal na nagtitinda at naghahanapbuhay sa mga bangketa at gilid ng kalsada sa Metro Manila.


Napakawalang-puso sa mahihirap nating mga kababayan ang mga alkaldeng nag-uutos sa mga tauhan nilang miyembro ng Anti-Hawkers na pati paninda ng mga pobreng vendor ay kumpiskahin.


Sana, kariton lang ang pinakukumpiska kasi ang mga paninda ng mga pobreng vendor karaniwan ay galing sa utang ang puhunan, at ang mga panindang ito kung hindi kukumpiskahin ay puwede pa nilang iuwi, ibenta sa kanilang mga kapitbahay para kahit paano makabawi sa puhunan at maipambayad sa inutangan, period!



◘◘◘


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page