top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Ipupuslit na libu-libong litro ng langis, nasamsam

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 18, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 18, 2023


Buhay na naman ang kabi-kabilang smuggling o pagpupuslit sa bansa.


Kamakailan, nakasabat ang Bureau of Customs (BOC) Port of Batangas, sa koordinasyon sa BOC Intelligence Group at Philippine Navy, ng aabot sa 850,000 litro ng puslit na langis na karga ng motor tanker na MT BRALEMAN 1.


Napag-alamang ang nasabing fuel cargo ay walang government-approved marker at mga kaukulang dokumento.


Sa pahayag ni BOC Enforcement Group Deputy Commissioner Teddy Raval, nahuli ng mga operatiba ng kagawaran ang MT BRALEMAN 1 at F/L ST Mariner, maliliit na motor vessels, na nagwi-withdraw ng langis at patungo na umano ang mga ito sa Pier 13 sa Port of Manila.


Agad na inatasan ng mga awtoridad ang dalawang motor vessels na magtungo sa El Fraile sa Manila Bay, kung saan du’n isinilbi ng mga tauhan ng BOC at PN ang warrant at apprehension order sa mga indibidwal na sakay ng nabanggit na barko.


Ayon sa ahensya, nagsagawa na sila ng custodial investigation para sa pagsasailalim sa kanila sa inquest proceeding gayundin ang paghahain sa mga ito ng criminal case.


Magugunita na nakasamsam na rin ang Port of Batangas ng 700,000 litro ng unmarked diesel na laman ng barko sa baybayin ng Barangay Mainaga, Mabini sa Batangas noong Pebrero 8 ng kasalukuyang taon.


Wala talagang kapaguran ang mga smugglers sa ating bansa, na nagpapahinga lamang ang mga ito at sa susunod na mga araw ay aarya na naman.


Ibang klase rin ang kanilang ini-smuggle, siyempre dahil walang humpay ang pagtaas ng mga produktong petrolyo, baka sakali na maipuslit nila ang libu-libong litro ng gas na siguradong malaking kita ang kanilang makukuha.


Hindi rin nila alintana na lubhang mapanganib ang kanilang ginagawa dahil sa karagatan pa nila idinadaan ang ipupuslit na langis.


Mabuti at mahusay ang pagbabantay ng mga awtoridad na madali nilang nahaharang ang mga ganitong ilegal na gawain.


Patuloy sana ang mga kinauukulan at hindi manghinawa sa paghuli sa mga masasamang-loob.


Sa publiko, pakaisipin sana muna ang magiging epekto at resulta ng bawat ilegal na gagawin dahil posibleng makasama ito sa inyong kapwa gayundin sa pamilya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page