Ipon ng mister na OFW, pinautang; Takot iwanan ng asawa
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Enero 23, 2023
Dear Maestro,
Sa ngayon ay mayroon kaming hindi pagkakaunawaan ng mister ko dahil pinautang ko ‘yung perang pampagawa namin ng bahay. Nasa abroad ang mister ko at nalaman niyang pinautang ko ito dahil sa paghahangad na kumita nang mas malaking halaga.
Ang problema, halos walang nagbayad sa mga pinautang ko at ngayon ay naghahabol ako sa barangay, pero ayaw sumipot ng mga nangutang sa akin. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko ngayong malapit nang umuwi ang mister ko.
Bukod sa mga hinahabol ko, pinautang ko rin ‘yung mga kapatid ko na kinakapos at nangangailangan at hindi rin sila nagbayad. Ang masaklap pa, nang ako’y naniningil na, sila pa ang nagalit sa akin.
Maestro, hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Natatakot ako na baka tuluyan kaming magkagalit ng mister ko at mauwi pa ito sa hiwalayan at pagkasira ng aming pamilya. July 13, 1982 ang birthday ko at November 10, 1979 naman ang mister ko.
Umaasa,
Annalyn ng Bunlo, Bocaue, Bulacan
Dear Annalyn,
Hindi masamang tanggihan ang mga kapamilyang nagigipit, lalo na kung wala ka namang ibibigay o ipapahiram dahil may paggagamitan ka ng pera na hinihiram nila at ito ay ang inyong dream house.
Sa madaling salita, may pera ka sa tingin ng iyong mga kamag-anak, pero dahil naka-budget na ‘yun sa pagpapagawa ng inyong bahay, lumalabas na wala ka ring sobrang pera na ipapahiram sa kanila. Ngayon, dahil kailangan mo na ‘yung pera, sisingilin mo ang mga nanghiram sa iyo at nagkataong mahirap sila, kaya walang pambayad sa iyo. Ang masaklap, sa bandang huli ay ikaw pa ang lalabas na masama.
Dahil mahilig kang tumulong nang wala sa lugar at naghangad ka ng tubo, ikaw pa ngayon ang nasisi at palalabasing masama sa mata ng inyong mga kapitbahay. Kaya masasabing hindi masamang tumanggi dahil mas mabuti pa ‘yun, kaysa naman hindi ka tumanggi sa kapatid mo na nangangailangan ng tulong, kung saan matapos mong tulungan at singilin ay sila pa ang galit sa iyo.
Kaya dapat mo ring unawain na ang salapi na ibinibigay ng mister mo ay hindi mo personal na pera. Hindi mo ‘yan dapat ipahiram sa iyong kapatid o kapamilya nang walang pahintulot ng iyong mister at hindi mo rin dapat gamitin sa pagpapautang dahil ang perang ‘yun ay nakalaan bilang pampagawa ng inyong bahay.
Tandaan, hindi masamang tumulong, pero ang pagtulong ay dapat ding pag-isipan kung ang tutulungan mo ay ang karapat-dapat tulungan. Halimbawa, ang mga dapat tulungan at pautangin ay ang mga may kapasidad na magbayad nang sa gayun ay matiyak na hindi ka nila tatakbuhan.
Sa ganyang paraan, kapag namimili ka ng dapat pautangin, may limitasyon ang iyong pagpapautang at nasa tamang pagkakataon at nilalang ang iyong pauutangin, sa susunod ay hindi na kayo magkakagalit ni mister, kaya lalong uunlad ang inyong pamilya at habambuhay na magiging maligaya.
Samantala, wala kang dapat ipag-alala na baka tuluyan kayong maghiwalay ng iyong mister o masira ang inyong pamiya. Sapagkat nagkataong compatible ang zodiac sign mong Cancer sa zodiac sign na Scorpio ng mister mo, ganundin ang birth date mong 13 o 4 (ang 13 ay 1+3-4) ay tugma sa birthday ng mister mo na 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1).
Ibig sabihin, dahil tugma kayo sa pag-aanalisang Astro-Numerology, walang duda na kaunting effort pa kay mister at humingi ka ng tawad dahil talagang nagkamali ka, sa huli ay mauunawaan at papatawarin ka niya. Pagkatapos niyong magkapatawaran, mag-iipon kayong muli para sa inyong dream house at muli itong mangyayari, limang taon mula ngayon.
Sa ikalawang pagtatangka na makaipon si mister, tuluyan na ring matutupad ang pinapangarap n’yong pagpapagawa ng bahay, na nakatakdang mangyari sa taong 2027 at sa edad mong 45 at 48 naman si mister.




Comments