top of page

Binalaang puputulan na… CARLA, IPINOST SA SOCMED ANG PANININGIL SA KANYA SA TUBIG

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 28
  • 3 min read

Updated: Jul 27

ni Janiz Navida @Showbiz Special | June 28, 2025



Photo: Carla Abellana - IG


Soft, sweet at tahimik sa unang tingin ang Kapuso actress na si Carla Abellana, pero ‘wag ka, palaban din talaga ang babaeng itey!

Bakit kamo?


Aba’y ni hindi sinanto kahit pa pader ang alam niyang babanggain niya. Ipinost talaga niya sa kanyang Instagram account ang reklamo sa Primewater dahil sa diumano’y palpak na serbisyo nito.


Alam na alam naman ng marami na pagmamay-ari ng pamilya nina dating Senador Manny at Cynthia Villar ang Primewater, pero buong-tapang na ipinahayag ni Carla ang pagkadismaya sa paniningil sa bill niya ng tubig sa kabila ng hindi naman umano magandang serbisyo ng kumpanya.


Ipinost ni Carla ang sulat sa kanya ng Primewater na ang nakalagay ay: “Hi Ms. Carla!


“May we kindly follow-up regarding the status of your payment?


“Kindly be informed of the disconnection schedule today.”


Sinagot naman ito ng aktres ng: “Okay lang po. Halos wala din naman po kayo supply na tubig everyday, so parang ganu’n na din naman po. But anyway, here’s the payment.”

Oh, ‘di ba? Simpleng bumanat ang ateh n’yo, pero may talim, ha?


Well, bukas ang aming kolum at pahina para sa panig ng mga Villar at Primewater sa inilabas na ito ni Carla Abellana.


Mas maganda sana kung masasagot na nila at baka may sumunod pa.



MAHALAGANG bahagi sa taunang Entertainment Editors' Choice (The EDDYS), na ngayon ay nasa ika-walong taon na, ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), ang pagkilala sa mga natatanging miyembro ng entertainment media.


Ngayong taon, ipagkakaloob ang Joe Quirino Award sa showbiz columnist-TV and online host at content creator na si Ogie Diaz, habang ang Manny Pichel Award ay igagawad sa dating entertainment editor na si Crispina Belen.


Maaalalang si Joe Quirino o JQ ay isang entertainment columnist na sumikat bilang host sa telebisyon noong 1970s at 1980s, habang si Manny Pichel ay isang mahusay na entertainment broadsheet editor/writer.


Para naman sa Isah V. Red Award na ipinagkakaloob ng The EDDYS taun-taon sa mga personalidad na walang sawang tumutulong at nagbibigay-inspirasyon sa mga kababayan nating nangangailangan, ipagkakaloob ito sa actor-entrepreneur-producer na si RS Francisco.


Kabilang din sa magiging highlight ng ika-8 edisyon ng The EDDYS ang pagkilala at pagbibigay-parangal sa anim na Movie Icons. Sila ay ang mga respetadong veteran stars na sina Laurice Guillen, Odette Khan, Perla Bautista, Pen Medina at ang mag-asawang Rosemarie Gil at Eddie Mesa.


Ang 8th EDDYS ay gaganapin sa July 20, 2025 sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts, Pasay City, at magkakaroon ng delayed telecast sa Kapamilya Channel, Jeepney TV at may worldwide streaming sa iWantTFC sa July 27, Linggo.


Mamimigay din ng 14 acting at technical awards ang SPEEd na pipiliin mula sa mga nominadong pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at ilang digital platforms noong 2024.


Pararangalan din sa 8th EDDYS ang Producer of the Year at Rising Producer of the Year.


Muli namang bibigyang-pugay ng samahan ng mga entertainment editors sa Pilipinas, na binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading broadsheets, top tabloid newspapers at online portals, ang mga tumaya para sa patuloy na pagbangon ng Philippine movie industry sa ikalawang taon ng The EDDYS Box Office Heroes. 


Co-presenter ng 8th EDDYS ang Newport World Resorts at ABS-CBN sa ilalim ng production ng Brightlight Entertainment na pinangungunahan ni Pat-P Daza at ididirek muli ni Eric Quizon. Ang SPEED ay pinamumunuan ng kasalukuyang presidente ng grupo na si Salve Asis.


Major presenter naman ang Playtime PH sa pakikipagtulungan ng GLOBE at UNILAB. Ang annual event na ito na mula sa samahan ng mga entertainment editors sa Pilipinas ay nagbibigay ng pagkilala at pagpapahalaga sa mga pelikula at personalidad na itinuturing na “best of the best” sa Philippine Cinema.


Para sa karagdagang detalye, maaaring i-follow ang official Facebook page ng The EDDYS (The Entertainment Editors' Choice).


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page