Ipinagpalit ng seaman BF matapos mabuntis, makapag-aasawa kahit single mom

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| February 9, 2021
Dear Maestro,
Nagkaroon na ako ng live-in partner at nabuntis niya ako. Kaya lang, pagkatapos ng tatlong taon ay nag-seaman siya at nagpakasal sa ibang babae. Single mom ako, pero okey lang dahil hindi ko na siya mahal at mula nang nag-abroad siya, hindi na siya umuwi sa amin ng anak niya.
Kahit ba single mom ako, makapag-aasawa pa ako? Gayundin, may dalawang nanliligaw sa akin ngayon, pero iniisip ko na baka pagkababae ko lang ang gusto nila at tulad ng nauna kong naka-live-in, baka dumating ang araw na iwanan ako ulit.
Sa palagay mo, Maestro, sino sa dalawang ito ang dapat kong sagutin at makasama habambuhay? Ang una ay tawagin nating Mr. Leo na isinilang noong August 5, 1992 at ang pangalawa naman ay si Mr. Virgo na isinilang noong September 13, 1991. December 8, 1994 naman ang birthday ko.
Umaasa,
Connie ng Baluyot, Novaliches, Quezon City
Dear Connie,
Madali lang ang dapat gawin ng babae para hindi siya muling magkamali sa pagpili ng kanyang mamahalin. Una, ang kailangan mong piliin ay ang ka-compatible mo sa Astrology at Numerology. Pangalawa, kailangan ang piliin mong lalaki ay hindi na “kamukha” ng una mong napangasawa o naka-live-in na nang-iwan sa iyo.
Ano ang ibig sabihin ng “Hindi na kamukha ng unang lalaki mong napangasawa o naka-live in?” Halimbawa, maitim o kayumanggi ang kulay ng balat niya at medyo matigas o kulot ang buhok, huwag nang ganu’ng tipo ng lalaki ang susunod mong piliin.
Halimbawa, magandang lalaki o sabihin na nating tall, dark and handsome siya, huwag na ganu’ng lalaki ang iyong piliin sa susunod mong pag-aasawa. Gayundin, maskulado, medyo macho, malaki ang katawan at artistahin ang dating ang iyong napangasawa, huwag ka na ulit pipili ng ganu’ng klase ng lalaki.
Kaya ang ikalawang basehan, ikaw na lang ang nakakaalam at makapagde-desisyon niyan dahil hindi mo naman inilarawan ang physical appearance ng iyong dating live-in partner.
Kasabay nito, kung ano ang zodiac sign at birth date niya, iwasan mo na ang ganu’ng zodiac sign at birth date. Dahil hindi ka naman marahil kokontra kung sasabihin nating tahasang “kamalasan” at pagtatalusira ang napala mo sa iyong dating partner.
Ngayon, dahil ikaw ang may kakayahang mag-decide, pagtuunan natin ng pansin ang unang batayan hinggil sa pagiging compatible n’yo ng pipiliin mong mapangasawa base sa Astro-Numerology.
Ang zodiac sign mong Sagittarius ay nagsasabing ka-compatible mo ang Leo, Aries, Gemini at kapwa mo Sagittarius, ngunit tulad ng kasalukuyang nangyayari, likas na magiging malapit ka rin sa isang Virgo. Pero hindi Virgo ang ka-compatible mo talaga, sa halip, lilinawin natin, magiging malapit ka lang sa kanya dahil Leo ang mas ka-compatible mo.
Ang manliligaw mong isinilang noong August 14, 1992 ang dapat mong piliin, kaysa sa lalaking isinilang noong September 13, 1991.
Masasabing tunay ngang napakaganda kung si Mr. Leo ang pipiliin mo dahil ang birth date niyang 14 ay may sumatotal na 5 (1+4=5), kung saan ito ay ka-compatible ng birth date mong 8. Ibig sabihin, ka-compatible mo talaga si Mr. Leo sa Astro-Numerology na pag-aanalisa at sa sandaling kayo na ang nagkatuluyan at nagsama, may pangako ng maunlad at maligayang pagpapamilya habambuhay.




Comments